Wednesday, June 6, 2012

KM3: TINIG (MINSAN MAY ISANG HURADO)





Mula pagkabata, matayog na ang aking pangarap, mataas na ang aking lipad, parating pasado ang marka sa aking grado, paborito ako ng aking mga guro, laging inilalaban sa lahat ng paligsahan, sabi nila magiging maayos daw ang aking buhay, magtatagumpay daw ako balang araw, Oo! masasabi kong tama sila, dahil lahat ay gagawin ko maging maayos lang ang aking kinabukasan.

Tuloy-tuloy ang agos ng ilog, tuluy-tuluy ang daloy ng panahon, bumuhas man ang ulan sumikat din ang araw, lumiwanag ang kalangitan, bago ko napagtanto, nakatapos na pala ako sa aking pag-aaral, sa lahat ng gabing ako’y nagsunog ng kilay, sa lahat ng aking pasakit upang makapag-aral, narito ako ngayon, nakaupo sa harap ng isang lamesang nasa gitna ng isang malaking bulwagan, napapalibutan ng maraming tao na nag-aabang sa aking sasabihin.

Naaalala ko ang sabi ni ina, “Mag-ingat ka anak, baka mapapahamak ka”, sadyang nagbabago ang lahat ng bagay, ang dating simpleng pagkatao ko, unti-unti nang nilalamon ng sistemang ginagawalan ko, dahil sa totoong buhay, tanging matatapang lang ang nagwawagi, tanging mga matatalino lang ang nagtatagumpay, isa ako sa kanila, kabilang ako sa mga taong kampeon ng bayan, ngunit sadyang ako’y nakalimot, may limitasyon pala ang lahat, may sukdulan ang paglalakbay at higit sa lahat may katapusan ang lahat ng pamamayagpag at pagpupugay.

Bago ko namalayan, tumigil na pala ang ikot ng mundo ko,  narito ako ngayon sa gitna pinagmamasdan ng maraming tao, lahat ay tahimik, naghihintay sa susunod na mangyayari, naghihintay sa aking isasalaysay, “Kagalang-galang na hukom, hindi ko po pag-aari ang na nasabing Bank Account”, papaano ko kaya malulusutan ang gulong ito, papaano ko kaya sila mapapaniwalang wala akong kinalaman dito.

Ako ang batas, ako ang katarungan, ako ang hukom, ako ang punong tagasakdal, ako ang maestro hurado, pero sa pagkakataong ito ako ang inaakusahan, sino ang aking tatakbuhan, sino ang aking kakapitan, kanino ako magsusumbong, kanino ako hihingi ng tulong? may boses ba ang katulad ko?

Biktima rin ako” nais kong isigaw, pero wala na akong tinig at di na nila ako naririnig, dahil sa mga paratang sa akin, lahat sila’y nabingi.



Maraming salamat.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...