Magulo, nakakatakot, madaming rebelde,
madalas may barilan, kidnapan at kung ano-ano pang mga kaguluhan, marahil iyan
ang maiisip mo kapag narinig mo ang salitang Zamboanga City, pero mali, walang
katotohanan ang mga bagay na yan, hindi po ganun ang aking lalawigan, hindi po
ganun ang pagkakakilala ko sa kanya, para sa akin, ito na po ang isa sa pinamagandang
lugar na maipapakilala ko sa iyo, masaya at masarap mamuhay dito, binubuo ng
isang makalumang kalinangan sa modernong panahon, napapalibutan ng ibat-ibang
kultura at pananaw sa buhay, bilang tao at mamamayan nito, isa ako sa libo-libong Muslim na ipinanganak at lumaki sa bayang ito, dito hinubog ng aking mga
magulang ang aking pagkatao, inaruga at
sinuportahan sa lahat ng aking pangangailangan, ipinakilala sa akin ang
katotohanan at ipanakita sa akin ang kaibahan namin sa karamihan, masasabi ko
na ako’y lumaki sa isang kulturang punong-puno ng kasaysayan at nabigyan ng
isang prinsipyong kailan ma’y hinding-hindi matatawaran, ito ang aking kultura,
ang kultura ng isang Tausug.
Sa totoo lang, galing ang mga
magulang ko sa Jolo Sulu, pero mula pa noong 1970’s pinili na nilang manirahan
sa Zamboanga City, dito na sila namalagi, dito na kaming lahat ipinganak at
nakapagtapos ng pag-aaral, sa katuyan, nakapag-aral ako sa isang Jehovah
School, kaya sanay akong makisalamuha sa mga hindi Muslim, isa sa mga itinuturing kong
matalik na kaibigan ay isang Katoliko, at isa sa mga naging karelasyon
ko ay isa ring deboto, tumagal kami ng halos siyam na taon, bago namin napagpasyahang
maghiwalay na, masasabi kong masmarami akong kaibigan na hindi Muslim kaysa sa
mga Muslim, ganyan kami sa Zamboanga, iisa ang ligw ng mga bituka namin,
nagmamahalan kami, at nagtutulungan.
Simple lang ang aking lalawigan,
simple lang ang Zambonga City, sentro ito ng lahat ng kalakalan mula sa Basilan,
Sulu at Tawi-Tawi o maskilala sa tawag na BASULTA, tinatawag din itong
International Backdoor Entry, dahil meron kaming International Airport dito para sa mga eroplano at International Port Area naman para sa mga barko, meron din kaming Economic and Free Port Zone, para naman ito sa mga negosyante na gustong magnegosyo sa aming lalawigan, kilala rin ang Zamboanga sa makukulay nitong Vinta, ito yung mga bangkang may makukulay na
layag, tinatawag din itong Sakayan sa salita naming mga tausug, bukod dito marami rin kaming mga pasyalan, tulad ng Abong-Abong (nasa paanan yun ng bundok), Pasonanca Park (parang little Baguio namin sa Zamboanga City), at syempre... higit sa lahat, marami kaming paliguan dito, mula sa Swimming Pool at Beach Resort, kami rin ang may pinakamalaki at maraming pagawaan ng Sardinas, ilan sa
kanila ay ang Family Brand Sardines, Mega Sardines, Ligo Sardines at Hakone
Sardines, dito rin galing si Mayor Cesar Climaco, naging pelikula pa nga ito na
ginampanan ni Eddie Garcia.
Marami rin kaming mga
pinagmamalaking mga pagkain, tulad ng Tausug Satti (Satey), Jah (Lukot-Lukot),
Tiyula Itom (Tinolang baka ito na itim ang sabaw at maanghang), Piyanggang
Manok (Tulad ng Tiyula Itum, maitim din ito, pero walang sabaw), mura ang mga
bilihin dito, lalo na kapag galing sa Malaysia, mura ang mga Prutas at Isda, masasabi kong napaka swerte ko
dahil wala akong naging problema pagdating sa kainan, dahil, halos ordinaryo na
lang para sa amin ang mga pagkaing tulad ng Lapu-Lapu, Blue Marlin, Alimango,
Pusit, Hipon at kung ano-ano pang mga pagkain na galing sa dagat na karaniwan sa mamahaling restawran mo lang ito makakain dito sa Manila, pagdating naman
sa Prutas, tulad ng nasabi ko, napaka mura ng mga ito at meron kang mabibiling prutas sa halos lahat ng sulok ng kanto.
Banana-Q – iba ang Banana-Q sa amin,
ito yung matigas na saging na iihawin at papahiran mo ng margarine pagkatapos isasawsaw
sa asukal, hmmm, sarap, yung Banana-Q naman na tinatawag sa Manila ang tawag namin
doon ay REBOSAW, hindi ko alam kung bakit, basta yan ang tawag namin dyan, o
hah.. saan ka pa.
BANKO – sinasabi nila, matatawag mo
raw na maunlad ang isang bayan kapag marami ito banko, sa Zamboanga City, hindi
lang isa o dalawang banko ang meron dito, kundi halos lahat ng banko sa Pilipinas
meron na sa Zamboanga, isa itong patunay na maraming tao ang nagdedeposito ng
kanilang mga pera, marami ring pwedeng itayong negosyo rito, isa na rito ang
tinatawag naming Barter Trade, isa ito sa pinaka epektibong paraan ng
paghahanap buhay, kahit sino pwede itong pasukin, basta umayos ka lang at huwag
kang mandaya ng kapwa mo.
Isa sa mga ipinagmamalaki namin sa
Zamboanga City ay ang tinatawag naming Pueblo, ito ang pinaka sentro ng
Zamboanga City, nandito ang mga Mall, Department Store, mga restawran, sinehan,
pelengke, mga opisina at iba pang mga establisyemento, kaya kadalas halos isang
sakay lang lahat ng lakad dito, tatlo ang unibersidad namin, ito ay ang Ateneo
De Zamboanga University, Western Mindanao State University at Unibersidad De
Zamboanga, meron din kaming AMA Computer College at STI Collage, pagdating naman sa Hospital, hindi rin magpapahuli ang Ciudad Medical na kung saan e halos kumpleto sila sa lahat ng kagamitan, lima ang malalaking Hospital dito sa amin, meron rin kaming museyo, ito ay ang Fort Pilar Museum, isa rin ito sa mga makasaysayang lugar sa bansa natin, katabi naman nito ang Paseo del Mar, parang mini Baywalk namin sa Zamboanga, sa mga Hotel naman, tiyak mapapagod ka sa kakapili kung anong Hotel ang papasukin mo, dahil marami kami niyan.
At syempre ang pinaka importante sa lahat, ang WIKANG aming ginagamit, ito ang CHAVACANO, isang wika na kung pakikinggan mo
e parang Espanyol ang dating, kapag nasa Pueblo ka tapos ipinikit mo ang mga
mata mo tapos taimtim mong pakikinggan ang mga taong nag-uusap, malamang
maiisip mo na “nasa mexico kana”, dahil kung pakikinggan mong mabuti, ang bawat
salitang ginagamit sa Chavacano e parabagang salita na hinango sa Maxico,
Broken Spanish ang tawag namin dito, katunayan tinagurian ang Zamboanga na “The
only Asia’s Latin City”, dahil sa kakaibang wika na ginagamit namin, hindi lang
chavacano ang maririnig mong salitang ginagamit dito, dahil kung nasa Pueblo
ka, malamang may makakasalubong ka ring dalawang tao na nag-uusap gamit ang
wikang tausug, bisaya, iyakan, paminsan-minsan maranao, at iba pang wika tulad
ng mga wika na ginagamit ng Chinese, Taiwanese at iba pang lipi,
ibat-ibang lahi ang naninirahan dito at iba-iba ang relihiyon namin, pero iisa
lang ang tawag namin sa isat-isa “Bagay” ibig sabihin nun “Kaibigan” kung
napanood niyo ang pelikulang "Bagong Buwan" ni Cesar Montano, ginamit
nila ang salitang ito.
Huwag po sana nating paniwalaan ang
isang balita na napapanood lang natin sa telebisyon o nababasa sa dyaryo,
kadalasan, nadadagdagan po ang mga pangyayaring kanilang binabalita, wala pong
gulo sa Zamboanga City at maayos po kaming namumuhay dito, sampung beses ko
pong pipiliing manirahan rito kumpara sa ibang lugar.
Ako po si Musingan, at ito po ang
aking lugar na kinalakihan.
Maraming salamat po sa pagbabasa.
Opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 2012.
Salamat sa mga sponsors