Thursday, January 10, 2013

Thy Womb


Ang galing... isa na naman pong makabuluhang pelikula ang nilikha ng mga magagaling nating derektor, isang pelikulang hindi mo naisip na maaari palang gawin, Salamat, yan ang aking unang bati sa mga taong gumawa ng pelikulang ito, lubus at taos puso ang aking pasasalamat sa lahat ng taong nasa likod ng pelikulang Thy Womb, sa wakas napanood ko na rin ang pelikulang gumawa ng ingay sa mundo ng Indie Film (Although hindi ako sure kung indi film nga ba ito o partly indie film lang) binigyan ng ibat-ibang parangal at 5 minutes standing ovation sa ibang bansa at maging sa sinehan sa SM North, matapos naming panoorin naghiyawan ang mga tao at nagsipalakpakan dahil sa sobrang paghanga nila(namin) sa pelikula,  ito ay isang kwento na hinugot mula sa kultura ng mga Muslim sa Tawi-Tawi (The Southernmost frontier) na kung tawagin natin ay Badjao, isang kultura na puno ng kritisismo, isang probisya na malayo at halos di na naririnig ng gobyerno, isang kwento na magbibigay liwanag sa isang madilim na pagkakakilala natin sa kanila.

Ibang-iba ito sa inaasahan kong takbo ng pelikula, dahil hindi ito tungkol sa kung gaano kakumplikado ang mga kaguluhan sa Mindanao bagkos ito ay isang kwento tungkul kay Shalelah isang Badjao o Siamal at ng kanyang inaalagaang pamilya, isang kwento tungkul sa payak na pamumuhay ng mga badjao, tungkul ito sa makulay na kultura ng mga kapatid nating namumuhay ng payapa malayo sa kinagisnan natin, at kung papaano nila naitatawid ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay.


Kung ang hinahanap niyo ay isang pelikulang magbibigay sa inyo ng excitement, mananakot, gugulatin kayo o di kaya naman ay magbibigay saya at ngiti sa inyo, pangungunahan ko na kayo, hindi para sa inyo ang pelkulang ito, pero kung ang hanap niyo ay isang pelikulang kapupulutan niyo ng aral at siyang magbubukas ng inyong isipan, isa na siguro ito sa mga pelikulang masasabi kong dapat nating alagaan at mahalin.

Bilang isang Muslim, natutuwa akong ipakilala sa inyo ang aking kultura sa pamamagitan ng pelikulang ito, payak at simple lang ang pagkakagawa, mabagal ang bawat eksena na siyang naging dahilan upang mabilis mong maintindihan ang gustong ipahiwatig ng derektor, tahimik at wala masyadong sound effect liban sa mga alon at tinig ng karagatan, mahinahon ang bawat dialogue na siyang naging dahilan upang mabilis nating maunawan ang bawat katagang kanilang ginagamit, bukud dito natutuwa rin ako sa magkahalong lengguahe na kanilang ginamit, ito ang Tagalog, Sinama (salita ng mga Tawi-Tawian at mga Badjao) at Sinug (salita ng mga Tausug) “take note: with matching subtitle pa”.

Nakatutuwang pakinggan na ang isang Bimbol Rocco ay magsasalita ng Sinama, at masasabi kong hindi matatawaran ang kanyang husay, at siyempre si Shelelha (Miss Nora Aunor) dito ipinakita ni Miss Nora Aunor kung bakit siya tinawag na Super Star, kasama rin sina Miss Lovi Poe at ang aking crush na si Miss Mercedez Cabral.

Dowry (Ungsud) – isa ito sa pinaka importanteng parte ng pagpapakasal, kung wala ka nito, hindi mo mapapakasalan ang iyong minamahal, ang laki at halaga ng Dowry ay ibinabatay ito sa antas ng pamumuhay ng pamilya ng babae, halimbawa sa eksena na kung saan ay namanhikan sina Shalelah at kanyang asawa na si Bangas-an (Bimbol Rocco), hiningan sila ng 200k dahil nakatapos daw ang kanilang kapatid sa pag-aaral, sa kultura kasi ng mga Muslim, dapat mong igalang at erespeto ang pagkatao ng babaeng mapapangasawa mo, dapat ikaw mismo (bilang mapapangasawa ng babaeng minahal mo) ang unang taong mag-aangat sa kanyang dangal, dapat pahalagahan mo ang kanilang pamilya, ang babae sa amin ay hindi ito parang prutas na pinipitas lang, hindi paninda na bibilhin mo lang, hindi ito bagay na babayaran mo lang, ito ay parang isang prensesa na dapat mong hanapan ng paraan para mapangasawa mo, at sa pamamagitan ng ungsud maipapakita mo sa pamilya ng babae na kaya mong buhayin ang anak nila.

Natutuwa rin akong mapanood ang kagandahan mismo ng Tawi-Tawi, dahil kung may Blue Lagoon ang Hollywood, meron naman tayong Green Lagoon, at kung merong Floating Market ang Thailand, meron rin tayong sariling bersyon nito sa Sitangkai Tawi-Tawi. Mapapanood rin natin dito ang sayaw ng mga muslim na kung tawagin ay Pangalay na sinasabayan ng tugtug gamit at gabbang o kulintang, at syempre maririnig natin ang orihinal na bersion ng kantang sumikat sa buong Pilipinas na Dayang-Dayang o maskilala sa title na Pakiring.


Thailand Floating Market

Sitangkai Floating Market


Marami akong nakitang pamilyar na mukha, tulad na lang ng lalakeng namagitan kela Shalelah at Bangas-an nang mamanhikan sila sa bahay nina Miss Lovi Poe, napanood ko rin ang anak ni Governor Sadikul Sahali na si Nurjay sahali, siya ang napangasawa ni Miss Mercedez Cabral sa Pelikula, natuwa ako nang makita ko silang sumayaw ng Pangalay, makikita niyo rin ang tradisyonal na dami ng mga muslim na kung tawagin ay Sablay at Batawi, ito ang suot ni Nurjay Sahali at Miss Mercedez Cabral ng sila’y ikasal sa pelikula.

Masarap panoorin ang pelikula, marahil kaya naging ganon ang aking pakiramdam ay dahil sa naranasan ko ang payak at simpleng pamumuhay dito, bagamat hindi kami orihinal na taga Tawi-Tawi, halos kalahati naman ng pamilya namin kung wala man sila sa Jolo Sulu ay nasa Tawi-Tawi ang mga ito, naging Election Officer din ang aking ama sa probinsyang ito ng mahigit sampung taon, at ako naman, naranasan kong magtrabaho sa Kapitulyo ng Tawi-Tawi sa pamumuno ni Governor Sadikul Sahali ng mahigit apat na taon, may labin-isang munisipyo ang Tawi-Tawi: namely Bongao (Main Capital), Panglimah Sugala, Simunul (where the oldest Mosque in the Philippines is located), Sitangkai ( the Seaweeds Capital of the Philippines), Sibutu (Formerly part of Sitangkai but separated early 2000), Mapun (Cagayan de Tawi-Tawi), Turtle Island (better known as Taganak to the native of Tawi-Tawi), Sapa-Sapa (Where my father used to be the Comelec Officer for more than 10 years before he retired), South Ubian, Tanduh Bas and Languyan. Sa loob ng labin-isang munisipalitidad, dalawa lang sa mga ito ang hindi ko napuntahan ito ay ang Turtle Island at Languyan.

Kaya naman masasabi kong may kakaibang excitement akong naramdaman ng mapanood ko ang pelikula at aaminin ko na sobra ko palang namiss ang lugar na ito, dahil kung gaano ka simple ang pamumuhay dito ganun din kasimple ang ang mga tao dito.

Para sa mga Tawi-Tawian


Salamat sa pagbabasa.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...