Thursday, November 22, 2012

Glamorosa (Pinoy Screenplay)



Mukhang naging malumanay ang pagdalaw ko sa aking blog at sa blog ng may blog ng ibang blogger, ngunit hindi po iyon nangangahulugang tumigil na tayo sa pagsusulat at pagbabasa, sa katunayan, pansamantala kong iniwan ang pagsusulat at pagbabsa sa blog upang mabigyan ng mahaba-habang pagkakataon ang pagsusulat at pagbabasa, hmmm… gulo no?

May mga ibang bagay kasi akong inaaral ngayopn tungkol sa pagsusulat, alam niyo naman po, hindi po tayo magaling salarangang ito, kaya kailangan kong pagtuunan ng pansin ang ginagawa kong pagses-self studies dito, sa katunayan isa sa mga inaaral ko ngayon ay ang pagsulat ng script o screenplay.

Wala lang… makasulat lang at masabihang magaling… 

Isa po ito sa mga naisulat ko noon na ginawan ko nang script, alam ko pong maraming mali sa ginawa ko, pero pilit ko paring pinoste sa aking blog para may pang update lang ako, kasi kahit papaano ayaw ko itong mabulok at anayin.

Meron po akong free software na nadownload sa internet na ginagamit sa pagsulat ng pinoy script o screen play, ang kaso nga lang kapag nililipat ko na dito sa blog ko e nasisira na ang format nito. ehehehehe.

Sana po e maintindihan niyo na hindi po ako propesyonal at walang pormal na na ensayo at pagsasanay sa larangang ito, wala din akong maalalang araw nagkaroon kami ng ganitong subject noong nag-aaral pa ako, kung meron man marahil absent ako.

Nga pala naalala ko gumawa nga pala ako ng Term Paper tungkol sa Drama noong 4th years High school ako.

Kayo na po sana ang bahalang umintindi sa kwento ng ginawa ko, medyo magulo pero kung pagtyatyagaan niyong basahin, e maiitindihan namanniyo siguro, sana huwag niyo rin po akong husgahan bagkos e turuan na lang.

Yahoo….

----------------------------------------- Script Start Here -----------------------------------------


Glamorosa
By
Al Diwallay

Based on blog "Diana ang Glamorosa"

This screenplay may not be
used or reproduced without the
express written permission of
the author.

Copyright©2012



                                                    FADE IN.
INT. MANSION. ARAW.

Sa loob ng isang magarang na tahanan ng isang ekslusibong Subdivision, mauupo sa sofa si Diana (19), maganda, maputi, halatang may breeding, daig pa ang isang prinsesa sa pagiging glamorosa.

Bubuksan niya ang tv, di niya magugustuhan ang palabas,makalipas ang sampung sigundo, ililipat niya ang channel ng flat screen TV sa harap niya.

Maiinis dahil wala namang magandang palabas, kukuha ng isang stick ng isang kilalang blue seal cigarette na nakapatong sa lamesitang yari sa steel brush na nasa harap niya.

Hahanapin niya ang lighter, lilinga-linga siya, iisipin kung saan niya huling nailagay ang lighter, haharap ulit siya sa TV, makikita niyang nakapatong ang lighter sa TV Stand,tatayo siya para kunin ito, sisindihan niya ang sigarilyo saka niya ipapatong ulit ang lighter sa ibabaw ng TV Stand.

Maglalakad papunta sa pintuan ng terrace ng bahay, pagmamasdan niya ang paligid gamit ang isang napakatalim na tingin, gugumuhit sa kanyang pisngi ang isang mapangutyang ngiti, maaalala niya ang mga panahong nagdaan.

DIANA (V.O.)
Hindi ko na hahayaang babuyin niyo
ulit ang aking pagkatao.

Hihithitin niya ang sigarilyong hawak, saka ibubuga ang usok sa napakasakastikong pamamaraan, babalik siya sa sofa, mauupo, ipapatong sa ash tray ang sigarilyo na kanyang hawak, kukunin niya ang remote control ng tv na nasa tabi ng ash tray, ililipat ulit ang channel.

Sasandal sa sofa, ididikwatro ang paa, ililipat ulit ang channel, maiinis, bubuntong hininga saka iiling sabay pikit ng mata, pagkadilat ipapatong ang remote control sa ibabaw ng lamesitang nasa harap.

Tatayo at tutungo sa kusina.

CUT TO.

INT.KETCHEN.CONT

Kukuha siya ng pitcher sa fridge na may lamang orange juice, kukuha ng isang baso saka magsalin, ilalapag ang pitcher malapit sa lababo.

Dala ang isang baso ng orange juice, babalik ulit siya sa living-room.

CUT TO.
INT.LIVING ROOM.CONT

Hihigop muna siya ng orange juice saka niya ipapatong ang baso sa lamesitang nasa harap saka siya mauupo ulit sa sofa, Manonood ng palabas.

Ilang sandali pa, tutunog ang kanyang cellphone.

Dadamputin niya ang kanyang cellphone na nakapatong sa lamesitang nasa harap niya saka niya ito sasagutin.

DIANA.
(Sarkastiko)
Yes?

ANGELINA (O.S.)
(Excited)
Diana! Ikaw ba yan?

DIANA.
Yes! Speaking?

ANGELINA (O.S.)
Si Angelina ito, kamusta kana.

DIANA.
Angelina? who’s that?

ANGELINA (O.S.)
Angelina Perez, yung kababata mo,
ano ka ba, hindi mo na ako maaalala?

Matitigilan siya, hindi siya agad makakasagot.

ANGELINA (O.S.)
Uy! Diana andyan ka pa ba?

DIANA.
Wala akong kilalang Angelina.
(matigas niyang sagot sa kausap)
Huwag ka nang tumawag ulit.

ANGELINA (O.S.)
Ahh!!! Diana ano ka ba? si Angelina
ito, yung kababata mo.

Ibababa niya ang kanyang cellphone, hindi na hihintayin ang susunod pang sasabihin ng kanyang kausap.

Ipapatong niya ang kanyang cellphone sa lamesitang nasa harap saka niya kukunin ang kanyang sigarilyo, tatayo siya saka tutungo sa Terrace.

CUT TO.

EXT.TERRACE.CONT.

Mauupo siya sa upuan na nakalagay sa labas ng terrace,ipapatong niya sa ibabaw ng lamesitang nasa harap niya ang kanyang mga paa, isasandal ng bahagyan ang ulo, saka hihithitin ang sigarilyo.

DIANA (V.O.)
(Kalmado)

Papaano kaya niya nalaman ang
cellphone number ko? Ano ang
kailangan niya? bakit siya tumawag?
Hihithit ulit ng sigarilyo.

DIANA (V.O.)
Ah! basta, hindi na importante
yon, basta ang alam ko, kailangan
kong maging matigas, kailangan kong
maging pusong bato, dahil isa akong
glamorosa.

Hihithit ulit ng sigarilyo saka niya ito papatayin sa ash tray na nakalagay sa ibabaw ng lamesitang nasa kanyang harapan.

Tatayo, pupunta sa dulo ng terrace, pagmasdan ang paligid.

DIANA (V.O.)
Hinding-hindi ko na hahayaang
hamakin niyo ulit ang pagkatao ko,
hinding-hindi ko na ulit hahayaang
tratuhin niyo ako na parang aso.
     (Matalim ang mga tingin)

DIANA (V.O.)
(Titingin sa kanan bahagi
ng hardin)
Inalipusta niyo kaming magkakapatid,
pinandirihan.

DIANA (V.O.)
(Pipikit saka bubuntung hininga,
bubuksan ang mga mata sabay haharap)
Tinuring na parang hayop,pinagtawanan,
inalipusta, ngayon hinding-hindi ko na
kayo hahayaang gawin yun ulit sa akin, sa amin,lalabanan ko na kayo, dahil isa na akong glamorosa.

Lilingon, babalik ulit siya sa loob ng living room.

INT.LIVING ROOM.CONT

Maupo siya sa sofa saka manonood ulit ng palabas, pero halatang hindi nakatuon sa ppinapanood ang kanyang isipan.

DIANA (V.O.)
Alam kong darating ang araw na
titingalain niyo ako, at heto,
unti-unti ng nangyayari.

DIANA (V.O.)
(Ngingiti)
Unti-unti na akong umaangat,nakatira
na ako sa bahay na bato,hindi tulad
niyong, hindi parin nakakaalis sa putikan.
(Bubuntong hininga)

Dahil wala rin namang mapanood na maganda, isasara na niya ang telebisyon gamit ang remote control nito, uubusin and orange juice, tatayo at tutungo sa bathroom.

    CUT TO.

INT.BATHROOM.CONT

Pagmamasdan niya ng mabuti ang loob bathroom.

DIANA (V.O.)
Napakaganda.

DIANA
Alam kaya nilang ganito ang banyong
ginagamit ko dito.

DIANA (V.O.)
Marahil Hindi
(Sarkastikong ngiti)
Alam kong hindi.

Matutukso siyang maligo.

Isasara niya ang pinto, magtanggal ng damit, bubuksan ang
faucet ng shower. lulusub sa tubig saka maliligo.

Habang mag-isang nagpapakasasa sa marangya buhay sa loob ng
bathroom, biglang may kakatok sa pinto ng banyo.

MRS. CHUA (O.S.)
Diana, naliligo ka na naman ba,
sino ang tumawag kanina? parang
narinig kong tumunog ang cellphone?

DIANA
(Magugulat)
Ho! Mrs. Chua ay este Ma’am!!
Ahh... ahh... wala pu ma’am, di ko
po kilala ma’am.

MRS. CHUA (O.S.)
Ah! ano daw kailangan?

DIANA
(Magpupunas at halatang nagmamadali
para makalabas na ng banyo)

Wala po ma’am, nagkamali lang ng tawag.

MRS. CHUA (O.S.)
Ganun ba, tapos kana ba maglaba,
mukhang tumigil na ang ingay ng
washing machine sa likod ng kusina.

DIANA
(Magsasalita in a bisaya accent
and bisaya dialect)
Ayyy Oo, nakalimtan naku ang atung
washing machine.

DIANA
(tatawa)
Sige ma’am, humanun na naku ang
akong gilabhan.

MRS. CHUA (O.S.)
Hay naku, ikaw talaga, kung ano-ano
na namang kalokohan ang ginagawa mo
dyan, bilisan mo na, maglaba ka na,
ambisyosa.

DIANA
Dili ku ambisyosa ma’am, Glamurusa lang ku.

MRS. CHUA (O.S.)
Ay ambot.

DIANA
(Titingin sa camera)
Epic Fail.
(Ngingisi)


                                                  FADE OUT.

----------------------------------------- Script Ends Here -----------------------------------------

Naks pume-fade out na…

Hayst hirap palang  magself-study para gumawa ng Pinoy Script... anyway alam ko pong marami pa akong kakaining damo para matutunan ang tamang pagsusulat ng script. 

salamat sa pagbabasa




Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...