Binalasa niya ang baraha, binalasa ng binalasa, pagkatapos saka niya ito inayos at hinawakan gamit ang kanyang kaliwang kamay, sinabi niya sa mga taong nanonood sa kanya, kapag pumitik siya babalik sa taas ang barahang napili kanina ng isang lalaking minamagikan niya, ayaw maniwala ng lahat, “Ows!!! Sige nga” wika ng isang lalaki, at ginawa nga niya, pagpitik niya, “Pak Boom”, nasa taas na ang baraha, hindi makapaniwala ang lahat ng nanonood, tawanan silang lahat, tawa ng tawa, masaya ang lahat, pati siya, natatawa na rin sa mga reaksyon ng mga nanonood sa kanya, ramdam na ramdam niya ang kasiyahan ng lahat, ang kasiyahan na minsan ay naramdaman niya, noong una siyang nakakita ng taong nagmamagik, kaya alam na alam niya ang saya ng bawat isa, abot tenga ang ngiti niya ng maisip na hindi nila nahalata kung ano ang ginawa niya upang makabalik sa taas ang barahang kanina’y nilagay nila sa gitna ng baraha, pero sa kabila ng kasiyahan, mapapansin mo sa likod ng kanyang mga mata, ang hindi maikukubling kalungkutan, ang kalungkutan ng pangungulila niya sa isang binibining nag-iwan ng isang malaking bakat sa kanyang buhay, isang binibining hinding-hindi niya makakalimutan kahit kailan, ang tanging binibining kanyang minahal at tanging mamahalin habang buhay.
Sa likod ng kasiyahang nararamdaman nilang lahat, ay maaaninag mo sa kanyang mga mata ang pangungulila, di nga ba’t dati-rati, kasa-kasama niya ito, ito ang natatangi niyang tagahanga, taga suporta sa lahat ng kanyang gagawin, at sa tuwing magpapakita siya ng kanyang talento sa ibang tao ay nasa tabi niya ito at nagbibigay ng lakas ng loob, ito ang unang papalakpak, at ito rin ang unang pupuri sa kanya, sasabihin sa kanya na “ang galing-galing mo talaga, napahanga mo silang lahat”, yayakap ito sa kanya at ipaparamdam sa kanya na talagang ipinagmamalaki siya ng binibining kanyang minahal.
Ngunit sa di sinadyang pagkakataon, matapos ang halos walong taon, may ibang nakilala ang binibining minahal niya, at ang masmasakit ay maspinili nito na iwan siya para mabuksan ang pinto para sa taong kumakatok sa kanyang puso, nawalan lahat ng saysay ang kanyang pangarap, at sa isang iglap ito’y nasira at nawasak, lahat ng mga pangarap niya’y naglaho at nagwakas.
Umiyak siya, siguro naman hindi na iyon nakakapagtaka, ipinaglaban niya ito pero sa hindi niya malamang dahilan, pati mga pamilya ng binibining minahal niya ay biglang ayaw na sa kanya, toliro ang kanyang isipan, walang matakbuhan, naghahanap siya ng taong makakaintindi sa kanya, hindi, mali, hindi ito ang kailangan niya, hindi niya kailangan ng taong makakaintindi sa kanya, ang kailangan niya ay isang taong makakapagsabi sa kanya na tama siya at mali ang kanyang mahal sa buhay, isang tao na magsasabi sa kanya ng paraan kung papaano niya mababawi ang nasira niyang buhay, dahil sa bawat araw na lumilipas na magkasama ang mahal at ang bago nitong nobyo, katumbas nito ay parang pag-guho ng kanyang mundo.
Sa puntong ito, may isang bagay siyang nasandalan, ang bagay na ipinagbabawal sa lahat, ito ang alak at droga, walang araw na hindi siya nalasing, at walang pagkakataon na hindi siya gumamit ng ipinagbabawal na gamot, ang perang naipon niya ng ilang taong, naubus dahil sa mga babaeng kanyang nakakapiling, “Happy go lucky, bahala na si Robin” yan ang naging bukambibig niya, “pera ko ito, ano bang pakialam mo?” may tama nga naman siya, as in tama talaga, tama sa pag-iisip, dahil noong matino pa siya, siya na ang taong napakabait, makulit lang siya, pero sobrang bait niya, galante at hindi kuripot, napakadali niyang lapitan, napakadali niyang hingian ng tulong, takbuhan ng lahat ng kanyang kaibigan at maging ang kanyang syota, kung tutuusin, maliit ang sampung libong piso na tulong na kanya naibigay, maliit ang isang buwan na sahod mo kung isa ka lang ordinaryong manggagawa sa mga naibigay niyang tulong sa kanyang mahal.
Pero anong nangyari at biglang naglaho ang mga ito, anong nangyari at bigla siyang iniwan at ipinagpalit sa isang lalake kamakailan lang niyang nakilala, ahhh!!!! Kaya pala, dahil “Mabait daw ito, Sincire, Responsible at higit sa lahat Kristiano siya” apat na dahilan na hindi nakita sa kanya ng kanyang minamahal sa buhay, apat na dahilan upang magalit siya sa mundo at kulang na lang na isumpa niya pati langit, apat na dahilan upang kamuhian niya ang kanyang sarili, apat na dahilan upang ang isang pagkakamali ay itama sa pamamagitan ng isa pang pagkakamali.
“Pumayat ka ah” sabi ng isa niyang kaibigan, “bumabagsak ang katawan mo”, bigla siyang natauhan, ano na ang nangyari sa kanya, hindi naman siya ganito dati, may malusog siyang pangangatawan, maayos manamit, hindi naninigarilyo, at maamo ang mukha, pero ngayon ay mistula siyang isang rapist sa pelikula ni Vilma Santos, nangangayayat, nangangalum-mata, mahaba ang buhok na buhaghag (mahangin ba sa labas), gusot-gusot ang mga damit na tatlong araw ng suot dahil tatlong araw na rin siyang hindi umuuwi ng bahay, walang laman ang tiyan kundi ang kagabing ininom na alak at pulutan, masnaging matanda ang itsura niya kumpara sa edad niya, matamlay at nawala na ang sigla sa katawan, lahat ito ay dahil sa kanilang paghihiwalay ng kanyang mahal sa buhay.
Isa lang ang sulusyong kanyang naisip, kailangan niyang umalis, kailangan niyang lumisan, kailangan niyang magpakalayo-layo, kailangan niyang mapag-isa, kailangan niyang hanapin ang kanyang sarili, kailangan niyang makalimot, kailangan niyang gawin ang mga ito upang maging matatag, upang makabangon at subukang lumaban muli, lumaban hindi para maibalik ang nawalang kahapon kundi ang hanapin ang naghihintay na masayang bukas, alam niya na sa pag-alis niyang ito ay marami siyang maiiwang mga taong nagmamahal sa kanya, nagmamalasakit at nagpapahalaga, pero ito lang ang tanging paraang alam niya, hindi siya tumatakas, pero kailangan niya munang mawala sa kanyang bayan, dahil alam niya at naniniwala siya na sa pag-alis niyang ito, marami siyang matutunan.
Charing... nag-Emo na naman... ehehhehe...
Itutuloy....
Salamat sa pagbabasa.
D"N