Tuesday, March 27, 2012

Bumabanner rin


Hephephep… ngumanga ka na nga muna… ehehehe… mahuhulaan mo kaya kung sino ang Prinsesang iyan??? “♫♫ Siya’y kilala niyo, siya’y kilala niyo, siya’y isa sa kapit-bahay, kapit-bahay ninyo….♫♫

Sinadya kong alisin ang kanyang pangalan sa Wallpaper para malaman ko kung mahuhulaan
niyo ba kung sino siya... click niyo na lang ang imahe para lumaki siya at mapagmasdang
mabuti ang kanyang taglay na kagandahan... sana sa ginawa kong ito... nakabawi na ako sa blogsary niya.


Guys and Gals, kamusta kayong lahat, namiss ko kayo, well ako naman e ok lang ako, ito at lalong pumupugeeee… nyehehehehe… nga pala nais ko lang kayong bigyan ng isang simpleng palaisipan kaya ako nagblog ngayon, sa huling update ko, pinakita ko sa inyo ang bagong banner ng blog ko na gawa ng kaibigan kong Graphic Artist, isang simple pero rock na gawa, sobra ko siyang nagustuhan, dahil since Friendster days pa ata e gustong-gusto ko ng gawan ng caricature ang mukha ko, ang kaso nga lang di ako marunong.

Kaya naman ng malaman ko na marunong pala si Frederick gumawa ng ganito, eh agad ko siyang pinakiusapan na kung maaari e papagawa sana ako sa kanya, dahil sa siya ay may busilak na kalooban at larawan ng isang mabuting mamamayan at lalakeng di makabasag pinggan e sumang-ayon naman agad siya, at tuwalalala, makalipas ang isang araw, meron na akong sariling banner na matatawag at may bonus pa, ginawan pa niya ako ng sarili kong logo, yahoo, ako na ang meron.

Pero alam niyo ba na ako ay isang model dyan sa Ermita, gabi-gabi nasa disco at nagpapabongga, e este inggitero nga pala, nang makita ko ang kanyang gawa, e inasam ko na agad na sana matutu rin akong gumawa ng katulad ng gawa niya, tulad nga ng sinabi ko, pangarap ko ito, pangarap ko ang maging isang magaling na Desktop Publisher o Graphic Designer, kaya naman ang ginawa ko, e pinag-aralan ko agad ang paggawa ng ganito.

Pero ang kaso wala akong materyales para makagawa ng cartonized pictures o caricature, hmmm, teka, magamit nga ang tinatawag nilang ABILIDAD, kung wala akong ADOBE ILLUSTRATOR, meron naman akong MS Power Point, nyehehehehe… opo mga kapatid, kaibigan at mga kabalitaktakan, MS POWER POINT po ang ginamit ko sa pagbuo ng banner na yan, nagsimula akong gawin ang korte ng kanyang ulo, tapos ang kanyang buhok, tapos ang kanyang mata, bago ko namalayan, natapos ko nang gawin ang kanyang pagmumukha (ahahahahaha), siya ang napili kong modelo dahil minsan na akong nabigo na iguhit siya ng isang magandang caricature, kaya naman hindi ko tinigilan hanggat hindi ko nakukuha ang tamang timpla ng aking mood, nag-ipon ako ng lakas ng loob upang sumabak muli.

Kahapon nga ng hapon, dahil sa wala akong magawa at ginagawa sa opisina ko, naisip ko na ito na ang tamang pagkakataon upang gawan siya ng isang magandang caricature kung caricature nga yan matatawag, at bago ko pa namalayan, ito sinusulat ko na ang aking naging karanasan sa pagguhit dyan, katakot-takot na sakripisyo ang ibinuhus ko dyan, pananakit ng likod, balakang, tuhod, siko, ulo, buti na lang may Alaxan FR, yahoo…. Nakakangawit din yan ng panga at kamay… tapos di pa siya ganun kaganda, pero ok lang, isipin mo naman, unang sabak ko palang yan at Power Point lang ang gamit ko, magtataka ka pa kaya kung bakit ganyan lang ang nagawa ko, hayst…

Anyway nais ko lang naman pahulaan sa inyo kung sino ang napakagandang binibini sa larawang iginuhit ko? Ang makakakuha ng tamang sagod ay dapat nakanganga buong araw, para malaman ng buong sambayanan na nahulaan mo kung sino ang babaeng nasa larawan.

Yung background nga pala…. Ninakaw ko na lang yan sa Internet.


Yahooo… salamat….




Thursday, March 22, 2012

Banner forever




Caricature + Cartoonized + logo = good and pleasant banner, nganga, saan ka pa, isa sa matagal ko nang gusto magkaroon ay ang sarili kong logo na matatawag, sariling banner, sariling identity, gusto ko kasing maging unique at may originality ang blog ko, ang unang banner na kinainggitan ko noon ay ang unang banner ng blog ni Sey na 14th Street, gandang-ganda ako sa kanya at sa blog banner niya, lalo na ng makita ko ang isa pa niyang blog na Ride with Judy, gusto ko rin ang trade mark niya na babaeng nagbibesekleta, kaya naman, dahil sa kagustuhan kong makagawa ng sarili kong banner at logo, e talagang naghanap ako ng resources ko para makagawa ng sarili kong banner.


Una nagtanong muna ako sa kanya kung saan niya kinukuha ang banner niya, sabi naman ni Sey kaibigan daw niyang Graphic Designer ang gumawa nun, kaya naman naghanap ako ng mga materyales  na ginagamit ng mga Graphic Artist, Adobe Photoshop daw o di kaya’y Adobe Illustrator, tae, putakte, matagal ko ng alam ang mga ito pero hindi ako nangangahas na pag-aralan ito.


Kaya naman, gamit ang kaunting alam sa pagtatampisaw sa net, e naghanap ako ng mga tutorials tungkol dito, buti na lang andyan si Diamond, siya ang unang nagbigay sa akin ng reading materials para matutunan ang Adobe na yan, yahoo at yehey, may reference na ako, pero teka, wala pa pala akong Adobe, so download naman ako ngayon… salamat kay pareng torrents dahil makalipas ang ilang araw, tuwalalala.. DOWNLOAD COMPLETE, yahoo ka day…. Patay kang bata ka sa akin.


Binasa ko ang ibinigay sa akin ni Diamond na reading materials, at nanood ng mga video tutorials dito at ginamit sa tunay na buhay ang mga natutunang mga self defends, eiiiiyyyyaaaa!!!! tusmok lahat ng mga kalaban ko, parang Hotshot lang.. ang papalag giba, walang pwedeng umistorbo sa akin kapag nagsasanay ako, walang dapat makialam, babasagin ko ang betlog kapag may nanggulo sa akin habang taimtim akong nagbabasa at nagsasanay na maging graphic designer.


At tuwala… makalipas ang mahabang panahon, nakarating na ang tao sa buwan ng maraming ulit, napatunayan na ng scientist na hindi atom ang pinakamaliit na particles sa mundo, inalisan na ng karapatang maging planeta si pluto, namatay na si Superman at si Captain Amerika, habang ako naman ay abala parin sa pag-iinsayo… at matapos nga ng pagkahaba-habang paglalakbay, ito na siya.. ang aking bagong Banner… yessss… may banner na po tayo… hindi ko talaga tinigilan hanggat hindi ako nagkakaroon… weow!!!! buti na lang may kaibigan akong graphic designer.. kung hindi hanggang ngayon siguro nag-aaral parin ako ng Adobe…


Opo… kaibigan ko po… kaibigan ko pong si Frederick Garcia ang gumawa niyan… ehehehhe… habang nag-aaral kasi ako kung paano maging graphic designer eh nalaman ko na magaling pala siya at isa pala ito sa kanyang mga expertise, kaya na man nagpagawa na agad ako sa kanya, tinakot ko siya na chuchupain ko siya kapag hindi niya ako ginawan ng banner, ayun natakot naman ang lolo niyo, kasi sa totoo lang talagang nahihirapan akong mag practice mag-isa.. ehehehhe… so ayun… to make the story short, ginawan ako ni Frederick Garcia… ehehehe.. take note… isang araw lang niya ginawa yan.. mga halos isa at kalahating araw lang… joke… dalawang oras lang pala… eheheh… artist talaga ang taong ito, bukod sa magaling na siyang Graphic Designer… magaling din siyang Magikero… try niyo basahin ang blog ko about sa kanya dito.



So yun lang…


Ito ang bago kong banner ngayon.


Ito naman ang logo ko.


Ito naman ang bersyon ko na ginawa ko.... kala niyo hah...






Yahoooo…..



Salamat.. salamat… bOOm… Boom… BooM...




Saturday, March 17, 2012

Weirdo



Kanya-kaya ang trip ng tao, kanya-kanyang ugali, kanya-kanyang gusto, sabihin na nating pareho tayong mahilig sa pula, pero pakatandaan mo na maraming klase ng pula, may pulang matingkad, may pulang maputla, may pulang katamtaman lang, alin sa tatlo ang gusto mo? May mga tao na kakaiba ang ugali at mahilig sa mga di pangkaraniwang gawain, mula sa pananamit, mananalita at higit sa lahat kilos o gawa, ito ang tinawag nating mannerisms, hindi na ako magbigay pa ng mga karagdagang impormasyon ukul dyan, pero kung gusto niyong malaman kung ano ang ibig sabihin niyan, kayo na ang bahalang maghanap ng iyong mga kasagutan.

Tulad nga ng sinabi ko, kanya-kanya ang ugali ng tao, ako aaminin ko may mga kakaiba akong ugali na talaga namang sa akin niyo lang ata makikita at mapapansin, kung bago lang tayo nagkakilala, masasabi niyo talagang weirdong tao talaga ako, ok lang, kasi ganun naman talaga ang ugali ko, ako man din naweweirduhan din sa sarili ko.

Kaya ko lang naisulat ito dahil kagabi may nakita akong isang lalakeng may kakaibang ugali, every weekends kasi, madala sa Pinoy Restaurant ako kumakain ng dinner ko, pero kagabi, napagtripan kong kumain sa Jollibee-Riyadh, hmmm.. sarap, namiss ko rin kasi ang Chicken Joy nila at Burger Steak, kaya naman, doon na ako nagpasyang magdinner, pagkapasok ko sa loob, wapak… daming tao, punuan ang silya, wala ng bakante, pero ok lang, sa haba ba naman ng pila sa counter, tiyak may mababakante mamaya.

Tama nga ang hinala ko, sa haba ng pila, may nabakanteng upuan nga sa sulok, pero may nakaupo, siya lang mag-isa, kaya nilapitan ko na, tumayo ako sa harap niya na hawak ang tray ng pagkaing inorder ko, tinitigan ko siya, napansin niyang nakatayo ako sa harap niya, tumingala siya ng bahagyan para mapagmasdan niya ako ng mabuti, at sa kauna-unahang pagkakataon, nasabi ko sa sarili ko, “paksyet ang POGE-POGE niya… napaka macho pa”, nahulog agad ang damdamin ko sa kanya, “YES! Can I help you?” sambit niya, “Toksyet, ang lamig ng boses niya”, bulong ko sa sarili ko, “ahhh!!! Ehhh!!! Pwedeng makishare?”, naks, parang pelikula lang ahhh, ehehehe… joke lang po… pero peksman, nakishare nalang ako sa kanya since walang ibang bakanteng upuan, pumayag naman ang mokong.

Habang kumakain, may napansin akong kakaiba sa ugali niya, nang simulan na niyang papakin ang kanyang desserts na sundae ice cream, pak, nakita kong hinahaluan niya ng KETCHUP, huwaaaaa…. Ice cream na may ketchup, ano naman daw kaya ang lasa nun, although may napanood na akong ganito sa telebisyon noon, pero never in my life na may nakita akong ganitong tao… ehehehehe… oks lang naman, tulad nga ng sinabi ko, kanya-kanya ang trip ng tao.

Marami pa akong kilalang mga taong may kaweirduhan sa paguugali, tulad ng ATE KO, hindi yun mapakali kapag hindi niya malagyan ng baby oil ang talampakan niya, kahit na bigyan mo yan ng lotions, pagpapawisan daw ang paa niya kapag hindi baby oil ang gagamitin niya, kaya naman, kaming magkakapatid, todo tago na ng mga tsenelas namin, dahil kapag ginamit niyan, siguradong mapupuno yan ng baby oil.

Auntie ko naman na kapatid ng tatay ko na isang Malaysian, sa tuwing kakain siya, ang pinakaunang subo niya ng pagkain ay ngunguyain niya lang ng mabuti, saka niya ilalagay sa kaliwang bahagi ng kanyang bibig, yun bang sa pagitan ng ngipin niya at ng kanyang pisngi, kaya naman lumolobo ang mukha niya tuwing kumakain siya, at lulunukin niya lang yun kapag natapos na siyang kumain.

Mama ko naman, hindi umiinom ng tubig, juice, tea kapag hindi sa tasa nakalagay, naging ugali na niya ang ganun, nakikita ko lang siyang gumagamit ng baso kapag nasa isang handaan siya o sa ibang bahay.

Ang mga sumusunod naman ay mga kakaibang ugali na taglay ko, hindi ko hinihingi ang inyong panghuhusga, ang tanging hiling ko lang ay sana maunawaan niyo.

Ok.. simulan na natin…

Mahilig ako sa maaanghang, sa sobrang hilig ko, pati mga junk food tulad ng V-Cut at Lays nilalagyan ko yan ng chilli powder, kung pwede nga pati chocolate lagyan ko na rin.

Gamit ang aking middle finger, madalas kong pinapalo-palo ang pusod ko, upang makagawa ako ng sound mula dito, parang bubble sound na pumuputok (ugali rin ito ni SHE WHO MUST NOT BE NAMED).

Mababa ang toleration ko kapag kinikiliti ako, maaring pagmulan ito ng away natin, baka nga mapatay kita e (may ganito ugali rin sin AKONI).

Di ako mapakali sa pagtulog kapag may sapin ang kama ko, dapat wala, kapag may katabi ako, dapat kalahati lang ang sapin, yung area lang kung saan siya nakahiga.

Kung milo ang ipapainom mo sa akin, dapat dalawang sachet at walang asukal.

Kapag instant coffee naman, dapat dalawang sachet rin, kapag hindi siya instant coffee, 4 tbps ng coffee, 4 tbps ng coffeemate at 1 tbps ng asukal lang, in short dapat matapang na kape ang ipapaimom mo sa akin, kung hindi baka hindi ko yan ubusin.

Hindi ako naninigarilyo, pero madalas hindi ako nawawalan ng lighter o kaya posporo.

Mabilis akong matuto, lalo na kapag gustong-guto ko siya pag-aralan, pero kapag alam ko na, mabilis rin akong mawalan ng gana.

French Fries hmmm… sinasawsaw ko sa ice cream… sarap niyan…

Iilan lang yan sa mga kakaibang ugali ko… kung iisa-isahin ko ang mga kaweirduhan ko sa buhay, baka mapuno ko ang sampung pahina, di pa ako natatapos, ewan ko ba, basta naging ugali ko ng gawin ang mga bagay na yan, may mga ilang bagay rin ako na sadyang napalitan ko na, pero may mga bagay parin akong patuloy ko pa ring nagiging mannerisms.


Salamat sa pagbabasa.



Wednesday, March 14, 2012

Ang SAP


Eeeeeyehheyyyy… I’m back… matagal din akong nanahimik no… marahil mga tatlong linggo rin… at sa loob ng tatlong linggong ito… isang beses lang ako nakapag update ng blog ko… drama pa… nyehehehehe… anyways… the only reason behind was… I have no permanent desk in our office…. And I don’t have permanent computers right now…. Kung kanikano lang ako nakikigamit e no… tapos kung kanikanino lang ako nakikitawag din… nyeheheheh…. Wala na kasi ako sa dati kong pwesto e… tinanggal na nila ako doon, kaya naman lumipat na ako sa ibang departamento… ehehehhe… so ayun… temporary lang ako dito sa bagong depertamentong pinapasukan ko, may nagbakasyon lang kasing isang empleyado kaya kailangan nila ng tagapangasiwa habang wala ang nakatoka doon, so kinailangan ko ng dalawang linggong training para matutunan ko ang dapat kong matutunan, ganun kabilis, dapat mong maabsorb lahat ng trabaho niya sa loob ng dalawang linggo, nyehehehehe… pero oks lang… dahil hindi naman nalalayo ang trabaho ko sa trabaho niya… kaya madali kong natutunan ang mga iportanteng bagay na dapat kong matutunan at gawin habang wala siya.

Ngayong araw ngang ito ang unang sabak ko sa trabaho na wala siya sa aking tabi, yahoooo… magkahalong kaba at tuwa ang aking nararamdaman dahil matagal ng nangangati ang kamay ko para magsulat ng blog, neyeyeyeye…. Sa bahay kasi… pagkauwi ko… lately parang masgusto ko na lang matulog kesa sa ang magsulat at magbasa e no… sinusulit ko na kasi ngayon ang pagpapahinga ko sa bahay, hindi na ako nagpupuyat masyado, kasi kailangan ko ng magbeauty rest kasi para naman hindi ako magmukhang haggard pag uwi ko ng Pinas… nga pala… Uu… malapit na pala akong umuwi… yahoooo…. sa ngayon wala pa akong matibay na plano,…. Pero ang tumatakbo sa isipan ko ngayon ay ang pagreresign sa kumpanyang ito at maghanap ng bagong malilipatan na may mataas na pasahod, parang gusto ko rin ang magtayo ng negosyo pag uwi ko ng Pinas…. Pero ano pa man ang maging disisyon ko e sana ito ay nagmula kay GOD ALLAH.

So hayun na nga… kanina pumunta lang dito ang empleyadong papalitan ko sa pwesto, nagbigay ng mga ilang instructions sa akin… sinigurado rin niyang wala na siyang nakalimutang mga gamit sa office, nagpaalaman kaming dalawa, nagpaalam na siya sa aming amo at ibang mga kasama sa departamentong ito, sinigurado niya sa akin na maayos na ang lahat… isang buwan siyang mawawala, so isang buwan akong mangangasiwa dito… konting ukrayan at echos-echosan, konting ek-ek, tapos taasan ng kilay, mga eow-eow at iilang jejemon words, samapalan at sabunutan… tapos nun nagpalaam na siya, pero… PERO HAH!!!! PERO… bago siya umalis.. sinabi niya sa akin, “uyyy!!! AL!!! pagbutihin mo dito hah!!! Huwag kang gagawa ng hindi maganda!!!”, sagot ko naman ay “Opo Master”, MASTER!!! Yup Master nga.. kasi siya ang pinaka master naming lahat…. Bukod sa may Master’s Degree siya at PHD e siya rin ang isa sa pinakamatagal ng Pinoy na nagtatrabaho dito sa aming kumpanya, at marami na siyang naging karanasan sa lahat ng mga gawain at transaksyon dito e no, kaya Master ang tawag naming lahat sa kanya, kaya naman kailangan kong pagbutihin talaga ang aking trabaho dahil ayaw kong mapahiya siya sa pagrekumenda sa akin sa amo namin.

Lumabas na siya ng opisina, kumaway pa sa akin, sabay sabi na “Uyyy yung SAP… close mo… gagamitin ni Joven sa baba, hindi siya makalog-in kapag naka log-in ka dyan”, “Opo Master”, isa-isa kong mini-minimized ang windows apps na naka-cascade sa aking desktop para makita ko ang SAP System, ilang sandali pa, nakita ko na siya, akmang hahawakan ko na ang mouse ng PC na gamit ko upang isara ang SAP, at ayun… may error akong nakita… pak!!! Booom!!!!… meron akong accidentally na napindot… HUWAAAAAAA…. May nadelete akong isang function ng SAP… ang FANAR: Production… na siyang isa sa pinaka importante sa lahat at siyang pinaka ginagamit namin ni Master, urggghhhh… namutla agad ako… waaaa… “Bakit ka” tanong ni Master sa akin, “ahhh… wala.. ehehhehe” pretending na lang akong ok ang lahat, kahit na ang totoo hindi… ehehehe…. Anak ng … kapag minamalas ka nga naman… alam ko namang maaayos ng IT ang issue na ito, kaso hindi pa man nakaka alis si Master eh nakagawa na agad ako ng pagkakamali… saan ka pa… ke ALDO na… ehehhehe… sensya naman, tao lang….

Pagkaalis na pagkaalis ni Master, gumawa agad akong ng system request para ipaayos sa IT namin ang problemang napasukan ko, yahoo… ilang minuto pa e tumawag na agad ang IT sa akin, sinabi ko kung ano ang nangyari, at naintindihan naman nila ang problema ko, inayos na nila ito…. Ayun balik na ulit sa system ang nabura ko kanina…. Napangiti ako ng maayos ng IT ang problema ko’t nasambit sa sarili “Tuloy ang ligaya”, unti-unting lumabas ang buntot ko at sungay, pasimpleng nagbukas ng Chrome, type Blogger url, hit enter, at nagblog na.

10:55 am na dito, araw ng Miyerkules, taong 2012. Sa Office ni Master sa SABIC, Riyadh City, Saudi Arabia.


Bleh….



Friday, March 9, 2012

Buti na lang nauso ang BLOG


Sa dami na ng bagay na pinagdaanan ko, dumarating parin ang pagkakataon na sadyang wala kang maikukuwento, hindi ito nangangahulugang wala kang gana kundi ito ay dahil hindi mo makuha ang totoong kahulugan kung bakit mo ito ikinukwento, kung mahilig kang magsulat, naitanong mo na ba sa iyong sarili kung bakit mo ito ginagawa, natanong mo na ba sa sarili mo kung may natutuwa ba sa mga ibinabahagi mo? Hanggang kailan ka magsasalaysay ng iyong mga karanasan? Hanggang kailan mo ito gagawin?

Isang taon na rin akong nagsusulat at ngayon masasabi ko na marami-rami na rin akong natutunan sa pagsusulat, masnaging mapagmatyag na ako at masditalyado na, naging dahan-dahan na rin ako sa aking mga pananalita at mga ginagawa, masnaging maayos at masnaging deretsahan na, ang pagsusulat para sa akin ay isa nang libangan, isang libangan na sadyang kay sakit sa ulo, basagan ng utak, sunugan ng kilay at higit sa lahat pagaaksaya ng panahon.

Teka mukhang mali, dahil kahit kailan hindi nasayang ang aking panahon sa pagsusulat, dito sa mundo kong ito, nakatagpo ako ng mga kaibigan, mga kakulitan, mga kaasaran, hindi na ako magbabanggit ng mga pangalan, basta alam na nila kung sino sila, basta alam na nila kung sino ang mga tinutukoy ko, kahit na itago ko sila sa mga pangalan tulad ng “Ang babaeng mahilig magbisikleta sa ika-labing apat na kalye na siyang alipores naman ng prinsesa ng Mayan na katipan ni pareng jed na kaibigan ng higanteng may ari ng diamante na mahilig magbasa sa mga slumbook na nakalagay sa isang Pot” hayst dami nila no.

Maaring hindi mo makukuha ang siping iyan pero para sa kanila alam na nila na sila ang tinutukoy ko, kaya naman kahit na minsan ay talagang wala nang lumalabas sa utak ko na kahit isang katiting na idea ay sige pa rin ako sa pagpiga ng utak ko, dahil alam kong may pananagutan na ako sa kanila, at dahil ayaw ko ring magpahuli sa laban nila, at gusto kong makisabay sa kanila sa pagpapaunlad ng Pilipinas e este pagpapaunlad ng kanilang sariling kakayahan, sa buhay natin, kailangan rin nating lumaban kahit na alam nating matatalo rin lang tayo, dahil masmahalaga ang lumaban ka kesa sa matalo ka, di nga ba’t masmainam ang “matalo ka na lumalaban kesa sa matalo ka na wala kang ginagawa”?

Dumadating ang panahon na sadyang kay hirap na para sa iyo ang umpisahan ang isang kwento pero sige ka lang ng sige na parang walang iniitindi, sa pagsusulat naibubuhus ko lahat ng sama ng loob ko sa mundo at sa mga nangyari sa akin, sa pagsusulat naibabahagi ko ang mga bagay na hindi ko kayang ikwento, sa pagsusulat unti-unti kong naiintindihan ang aking sarili, unti-unti kong naitatama ang mga bagay na sa tingin ko ay mali, unti-unti kong nakikita ang kaibahan ng pagkatao ko noon at pagkatao ko ngayon.

Buti na lang nauso na ang blog, dahil kung hindi, hindi ko rin alam kung ano ang magiging libangan ko sa tuwing nalulungkot ako, nagpapasalamat ako at may taong nakaimbento nito, laki ng utang na loob natin sa kanila, dahil may nagagamit tayo para maipagsigawan natin ang ating damdamin sa buong mundo, salamat sa kanila, kahit papaano may nagagawa tayo sa sadaling wala na tayong magawang iba.


Salamat sa pagbabasa.



D"N



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...