Showing posts with label Contest. Show all posts
Showing posts with label Contest. Show all posts

Saturday, October 6, 2012

Ako si Musingan, Laking Zamboanga City



Magulo, nakakatakot, madaming rebelde, madalas may barilan, kidnapan at kung ano-ano pang mga kaguluhan, marahil iyan ang maiisip mo kapag narinig mo ang salitang Zamboanga City, pero mali, walang katotohanan ang mga bagay na yan, hindi po ganun ang aking lalawigan, hindi po ganun ang pagkakakilala ko sa kanya, para sa akin, ito na po ang isa sa pinamagandang lugar na maipapakilala ko sa iyo, masaya at masarap mamuhay dito, binubuo ng isang makalumang kalinangan sa modernong panahon, napapalibutan ng ibat-ibang kultura at pananaw sa buhay, bilang tao at mamamayan nito, isa ako sa libo-libong Muslim na ipinanganak at lumaki sa bayang ito, dito hinubog ng aking mga magulang ang aking pagkatao,  inaruga at sinuportahan sa lahat ng aking pangangailangan, ipinakilala sa akin ang katotohanan at ipanakita sa akin ang kaibahan namin sa karamihan, masasabi ko na ako’y lumaki sa isang kulturang punong-puno ng kasaysayan at nabigyan ng isang prinsipyong kailan ma’y hinding-hindi matatawaran, ito ang aking kultura, ang kultura ng isang Tausug.


Sa totoo lang, galing ang mga magulang ko sa Jolo Sulu, pero mula pa noong 1970’s pinili na nilang manirahan sa Zamboanga City, dito na sila namalagi, dito na kaming lahat ipinganak at nakapagtapos ng pag-aaral, sa katuyan, nakapag-aral ako sa isang Jehovah School, kaya sanay akong makisalamuha sa mga hindi Muslim, isa sa mga itinuturing kong matalik na kaibigan ay isang Katoliko, at isa sa mga naging karelasyon ko ay isa ring deboto, tumagal kami ng halos siyam na taon, bago namin napagpasyahang maghiwalay na, masasabi kong masmarami akong kaibigan na hindi Muslim kaysa sa mga Muslim, ganyan kami sa Zamboanga, iisa ang ligw ng mga bituka namin, nagmamahalan kami, at nagtutulungan.

Simple lang ang aking lalawigan, simple lang ang Zambonga City, sentro ito ng lahat ng kalakalan mula sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi o maskilala sa tawag na BASULTA, tinatawag din itong International Backdoor Entry, dahil meron kaming International Airport dito para sa mga eroplano at International Port Area naman para sa mga barko, meron din kaming Economic and Free Port Zone, para naman ito sa mga negosyante na gustong magnegosyo sa aming lalawigan, kilala rin ang Zamboanga sa makukulay nitong Vinta, ito yung mga bangkang may makukulay na layag, tinatawag din itong Sakayan sa salita naming mga tausug, bukod dito marami rin kaming mga pasyalan, tulad ng Abong-Abong (nasa paanan yun ng bundok), Pasonanca Park (parang little Baguio namin sa Zamboanga City), at syempre... higit sa lahat, marami kaming paliguan dito, mula sa  Swimming Pool at Beach Resort, kami rin ang may pinakamalaki at maraming pagawaan ng Sardinas, ilan sa kanila ay ang Family Brand Sardines, Mega Sardines, Ligo Sardines at Hakone Sardines, dito rin galing si Mayor Cesar Climaco, naging pelikula pa nga ito na ginampanan ni Eddie Garcia.

Marami rin kaming mga pinagmamalaking mga pagkain, tulad ng Tausug Satti (Satey), Jah (Lukot-Lukot), Tiyula Itom (Tinolang baka ito na itim ang sabaw at maanghang), Piyanggang Manok (Tulad ng Tiyula Itum, maitim din ito, pero walang sabaw), mura ang mga bilihin dito, lalo na kapag galing sa Malaysia, mura ang mga Prutas at Isda, masasabi kong napaka swerte ko dahil wala akong naging problema pagdating sa kainan, dahil, halos ordinaryo na lang para sa amin ang mga pagkaing tulad ng Lapu-Lapu, Blue Marlin, Alimango, Pusit, Hipon at kung ano-ano pang mga pagkain na galing sa dagat na karaniwan sa mamahaling restawran mo lang ito makakain dito sa Manila, pagdating naman sa Prutas, tulad ng nasabi ko, napaka mura ng mga ito at meron kang mabibiling prutas sa halos lahat ng sulok ng kanto.

Banana-Q – iba ang Banana-Q sa amin, ito yung matigas na saging na iihawin at papahiran mo ng margarine pagkatapos isasawsaw sa asukal, hmmm, sarap, yung Banana-Q naman na tinatawag sa Manila ang tawag namin doon ay REBOSAW, hindi ko alam kung bakit, basta yan ang tawag namin dyan, o hah.. saan ka pa.

BANKO – sinasabi nila, matatawag mo raw na maunlad ang isang bayan kapag marami ito banko, sa Zamboanga City, hindi lang isa o dalawang banko ang meron dito, kundi halos lahat ng banko sa Pilipinas meron na sa Zamboanga, isa itong patunay na maraming tao ang nagdedeposito ng kanilang mga pera, marami ring pwedeng itayong negosyo rito, isa na rito ang tinatawag naming Barter Trade, isa ito sa pinaka epektibong paraan ng paghahanap buhay, kahit sino pwede itong pasukin, basta umayos ka lang at huwag kang mandaya ng kapwa mo.

Isa sa mga ipinagmamalaki namin sa Zamboanga City ay ang tinatawag naming Pueblo, ito ang pinaka sentro ng Zamboanga City, nandito ang mga Mall, Department Store, mga restawran, sinehan, pelengke, mga opisina at iba pang mga establisyemento, kaya kadalas halos isang sakay lang lahat ng lakad dito, tatlo ang unibersidad namin, ito ay ang Ateneo De Zamboanga University, Western Mindanao State University at Unibersidad De Zamboanga, meron din kaming AMA Computer College at STI Collage, pagdating naman sa Hospital, hindi rin magpapahuli ang Ciudad Medical na kung saan e halos kumpleto sila sa lahat ng kagamitan, lima ang malalaking Hospital dito sa amin, meron rin kaming museyo, ito ay ang Fort Pilar Museum, isa rin ito sa mga makasaysayang lugar sa bansa natin, katabi naman nito ang Paseo del Mar, parang mini Baywalk namin sa Zamboanga, sa mga Hotel naman, tiyak mapapagod ka sa kakapili kung anong Hotel ang papasukin mo, dahil marami kami niyan.

At syempre ang pinaka importante sa lahat, ang WIKANG aming ginagamit, ito ang CHAVACANO, isang wika na kung pakikinggan mo e parang Espanyol ang dating, kapag nasa Pueblo ka tapos ipinikit mo ang mga mata mo tapos taimtim mong pakikinggan ang mga taong nag-uusap, malamang maiisip mo na “nasa mexico kana”, dahil kung pakikinggan mong mabuti, ang bawat salitang ginagamit sa Chavacano e parabagang salita na hinango sa Maxico, Broken Spanish ang tawag namin dito, katunayan tinagurian ang Zamboanga na “The only Asia’s Latin City”, dahil sa kakaibang wika na ginagamit namin, hindi lang chavacano ang maririnig mong salitang ginagamit dito, dahil kung nasa Pueblo ka, malamang may makakasalubong ka ring dalawang tao na nag-uusap gamit ang wikang tausug, bisaya, iyakan, paminsan-minsan maranao, at iba pang wika tulad ng mga wika na ginagamit ng Chinese, Taiwanese at iba pang lipi, ibat-ibang lahi ang naninirahan dito at iba-iba ang relihiyon namin, pero iisa lang ang tawag namin sa isat-isa “Bagay” ibig sabihin nun “Kaibigan” kung napanood niyo ang pelikulang "Bagong Buwan" ni Cesar Montano, ginamit nila ang salitang ito.

Huwag po sana nating paniwalaan ang isang balita na napapanood lang natin sa telebisyon o nababasa sa dyaryo, kadalasan, nadadagdagan po ang mga pangyayaring kanilang binabalita, wala pong gulo sa Zamboanga City at maayos po kaming namumuhay dito, sampung beses ko pong pipiliing manirahan rito kumpara sa ibang lugar.


Ako po si Musingan, at ito po ang aking lugar na kinalakihan.


Maraming salamat po sa pagbabasa.


Opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 2012.


Salamat sa mga sponsors



























Wednesday, June 6, 2012

KM3: TINIG (MINSAN MAY ISANG HURADO)





Mula pagkabata, matayog na ang aking pangarap, mataas na ang aking lipad, parating pasado ang marka sa aking grado, paborito ako ng aking mga guro, laging inilalaban sa lahat ng paligsahan, sabi nila magiging maayos daw ang aking buhay, magtatagumpay daw ako balang araw, Oo! masasabi kong tama sila, dahil lahat ay gagawin ko maging maayos lang ang aking kinabukasan.

Tuloy-tuloy ang agos ng ilog, tuluy-tuluy ang daloy ng panahon, bumuhas man ang ulan sumikat din ang araw, lumiwanag ang kalangitan, bago ko napagtanto, nakatapos na pala ako sa aking pag-aaral, sa lahat ng gabing ako’y nagsunog ng kilay, sa lahat ng aking pasakit upang makapag-aral, narito ako ngayon, nakaupo sa harap ng isang lamesang nasa gitna ng isang malaking bulwagan, napapalibutan ng maraming tao na nag-aabang sa aking sasabihin.

Naaalala ko ang sabi ni ina, “Mag-ingat ka anak, baka mapapahamak ka”, sadyang nagbabago ang lahat ng bagay, ang dating simpleng pagkatao ko, unti-unti nang nilalamon ng sistemang ginagawalan ko, dahil sa totoong buhay, tanging matatapang lang ang nagwawagi, tanging mga matatalino lang ang nagtatagumpay, isa ako sa kanila, kabilang ako sa mga taong kampeon ng bayan, ngunit sadyang ako’y nakalimot, may limitasyon pala ang lahat, may sukdulan ang paglalakbay at higit sa lahat may katapusan ang lahat ng pamamayagpag at pagpupugay.

Bago ko namalayan, tumigil na pala ang ikot ng mundo ko,  narito ako ngayon sa gitna pinagmamasdan ng maraming tao, lahat ay tahimik, naghihintay sa susunod na mangyayari, naghihintay sa aking isasalaysay, “Kagalang-galang na hukom, hindi ko po pag-aari ang na nasabing Bank Account”, papaano ko kaya malulusutan ang gulong ito, papaano ko kaya sila mapapaniwalang wala akong kinalaman dito.

Ako ang batas, ako ang katarungan, ako ang hukom, ako ang punong tagasakdal, ako ang maestro hurado, pero sa pagkakataong ito ako ang inaakusahan, sino ang aking tatakbuhan, sino ang aking kakapitan, kanino ako magsusumbong, kanino ako hihingi ng tulong? may boses ba ang katulad ko?

Biktima rin ako” nais kong isigaw, pero wala na akong tinig at di na nila ako naririnig, dahil sa mga paratang sa akin, lahat sila’y nabingi.



Maraming salamat.


Saturday, December 31, 2011

Gising! (Isang umaga sa Riyadh) Re-Post



Gising! (Isang umaga sa Riyadh)

Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….

Sigaw ng manok… kung ano man ang ibig sabihin nun ay hindi ko na alam, marahil sumisigaw siya ng umaga na, gising na o kaya naman binabati niya ang bukang liwayway ng araw. Pero teka, tumitilaok rin naman ang manok sa hapon ah, pero iba ito, araw-araw, tuwing alas kwatro ymedya ng umaga, tumitilaok ang manok na ito….

Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….

Hmmmmm…..


"Tiktilaooookkk!!!.. Keaga-aga, ang ingay ingay na, (teka nasa Saudi nga pala ako, at nasa Villa namin, bakit may manok eh wala naman kaming alaga dito at saka bakit parang may disco music ang manok. Nananaginip ata ako!!! Kasi nakikita ko ang mga manok na nagsasayawan sa labas ng bahay namin habang kumakanta ng ‘Pokerface’ by Lady Gaga." -- AL (Guhit ni Annalyn Perez)
Keaga-aga, ang ingay ingay na, (teka nasa Saudi nga pala ako, at nasa Villa namin, bakit may manok eh wala naman kaming alaga dito at saka bakit parang may disco music ang manok. Nananaginip ata ako!!! Kasi nakikita ko ang mga manok na nagsasayawan sa labas ng bahay namin habang kumakanta ng ‘Pokerface’ by Lady Gaga.

Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….

Hmmmmm….. kainis talaga….

At muli kong naisip, ahhhh cellphone ko pala, tumutunog na naman ang alarm nito. Tilaok kasi ng manok ang tunog niya na may disco music na background, ‘di na ako nasanay. Alas kwatro ymedya ng umaga ko pinapatunog ang cellphone ko, pero minsan alas singko na ako ng umaga bumabango dahil sa katamaran. Kaya minsan o mas maganda sabihin na lang natin madalas nagmamadali ako sa pagligo at pagbihis para hindi ma-late sa pagpasok sa opisina…

Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….

Hmmmmmm…. Ano ba... Ahhhhhh… sarap pa matulog….

Pero kailangan ko nang bumangon kasi kung hindi, hindi na ako makakapagsalah sa umaga. Salah ang katawagan naming mga Muslim sa aming pagdarasal at pagsamba kay ALLAH. Mula nang mapunta ako sa Saudi, naging doble na ang aking pagiging relehiyoso. Limang beses sa isang araw nagsasala ang mga Muslim at limang beses ko rin ito ginagawa.

Malaki ang naitulong sa akin ng pagsasalah, naging mas panatag ang aking kaisipan at mas malawak ang pang-unawa. At dahil sa isa sa mga oras ng pagsalah ng mga Muslim ay sa umaga (alas singko) ginagawa, malaking tulong yun sa akin. Kasi hindi ako nahuhuli ng pagpasok sa opisina, katunayan, ako parati ang nauuna sa pagpaasok kesa sa Boss ko… oh ha… di ba….

Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….

Hmmmm… eeeiissshhhh…. Kainis talaga…

Mmmmhhhh…



Ito ang maganda sa cellphone, kapag ginagamit mo ang alarm nito, pwede kang mag-extend, parang sa internet café lang, “Time ka na? Ano extend ka pa?" or kung gusto mo pwede ka rin mag-open time, pa’no? 





Biglang nawala ang tilaok ng manok, marahil napagod sa kakasayaw o kakatilaok ang mga mokong na ito. Ang sarap matulog, walang istorbo, walang ingay, payapa ang mundo, tahimik, walang makulit at higit sa lahat walang tumitilaok na manok…

Teka, bakit nawala? Bakit biglang naging peaceful ang paligid ko, walang gulo, walang disco. Ano na ang nangyari sa mga manok na kanina ay akala mo’y katapusan na ng mundo at bigla silang nawala?

Alarm on snooze
For 10 minutes…

Ehehehe… sarap matulog ulit…

Ahhhhh….. kaya pala, ehhehehe. Madalas ito ang ginagawa ko at ginagawa rin ng karamihan (amininnn). Pinipindot nila ang snooze para mawala ang ingay ng alarm at makatulog ulit (nagpa-alarm ka pa?). Ito ang maganda sa cellphone, kapag ginagamit mo ang alarm nito, pwede kang mag-extend, parang sa internet café lang, “Time ka na? Ano extend ka pa?" or kung gusto mo pwede ka rin mag-open time, pa’no? Madali lang, huwag ka magpa-alarm nang cellphone, tiyak sa tanghali ka na magigising niyan…

Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….
Tiktilaoooookkkkk….

Huuuuwwwaaaattttttt…..

Saan na naman galling ‘yan? Tulog na ba ako o cellphone ko lang talaga ang tumutunog ulit o baka naman may manok na talaga na nakapasok sa kuwarto namin, marahan kong binuksan ang aking mga mata, ramdam na ramdam ko ang bigat nito upang idilat, ramdam ko ang antok, sarap talaga matulog, sarap matulog, kakainis, saan ba galling ‘yang ingay na ‘yan…

Ahhhhhhhhhhh

Cellphone ko nga, tumutunog na ulit, natapos na pala ang 10 minutes na palugit ko, hayssssst. Makaulit nga, another 10 minutes ulit, ehehehe. Walang basagan ng trip, wow sarap, ZZzzzZZZzzz…hmmmmm…. ZZzzzZZZzzz… Tahimik na naman ang paligid ko, naglalakbay na naman ako sa aking panaginip, yippieee!!! Nasa ulap na naman ako, ang sarap matulog.

Pero…

Tut…. tutututuuutttt…. tutututututuuuuttttttt…..
tutututututuuuuttttttt…..

Ahhhhhhhhh….

Ano na naman ito… iba na ang naririnig ko… kakaloka na… sobra na talaga over. Ang manok, nagtunog-mono tone ng alarm ng cellphone ng kasama ko sa kuwarto, eeeiiiissshhhh. Kakainis talaga, tumutunog na naman ang cellphone ni Yusop, nagpapaalarm din kasi siya….

At….

Tontontooon…tontontooon… tontontooon…tononnn…
Tontontooon…tontontooon… tontontooon…tononnn…

Diyos ko… Diyos ko… Diyos ko… Patawawin niyo po ako… huhuhuhu… gusto ko pang matulog…



Lima kaming nasa kwarto, at limang cellphone ang tumutunog kada umaga. Kaya wala kang takas kung tinatamad kang pumasok dahil limang cellphone ang mangungulit sa iyo at magsasabing, “Umaga na kabayan, gising na at tayo’y lalarga na! 






Naman…kasi…. kanino na naman kaya ito? Kay Kuya Arnel naman ngayon ang tumutunog… naku naman… Kakawindang, kase sunod-sunod na ang tunog ng alarm ng cellphone naming. Akala mo’y may fire alert na nangyayari, sunod-sunod na ang pag-alarma ng aming mga celphone…kay Glenn, kay Arnel, kay Yusop, kay Ryann at sa akin! Sali mo pa dyan ang pagpapatugtog ng music ni Rhemhard sa kabilang kwarto. Keaga-aga nagpapatugtug na ang bruha, ahhhhhhh… sakit sa ulo talaga, sarap pa matulog pero ang ingay-ingay na.

Magtakip kaya ako ng unan? Pero huwag na, kailangan ko nang bumangon kasi ‘di na ako makakapagsalah niyan. Saka baka maunahan na naman ako sa banyo, alam mo naman si Yusop, kung ‘di pa ako babangon eh hindi rin ‘yan babangon. Kapag nakita na niya akong naghuhugas ng bigas sa lababo para magsaing ng pang-almusal, tatayo na ‘yan at magtatanong, “Al!!! mauna na akong maligo hah?!"

Kaya kailangan ko nang unahan siya. Bumangon na ako sa kama sabay bulong sa sarili ng “ahhhhhh… katamaran lang ito…katamaran lang ito." Naupo ako sa gilid ng higaan ko, nag-iisip, “umabsent kaya ako?" Nakapikit ang mga mata pero nakaupo habang hindi makapag-decide kung aabsent o papasok sa opisina, “Haysst! tinatamad talaga akong bumangon."

Pero wala akong magagawa, kailangan eh, kailangan kong bumangon, “Oh well." Nag-unat na ako ng katawan at naghikab nang naaaaaaaaapakalalim…. “Hay! Sarap talagang ibato ng cellphone ko sa ding-ding. Matulog kaya ako ulit?" Ay huwag na, tumayo na ako, sinuot ang tsenelas ko, naglakad nang nanlalambot. Tinatamad na pumasok sa banyo upang maligo habang naririnig ko pa ang sunod-sunod na pag-alarm ng cellphone naming. Lima kaming nasa kwarto, at limang cellphone ang tumutunog kada umaga. Kaya wala kang takas kung tinatamad kang pumasok dahil limang cellphone ang mangungulit sa iyo at magsasabing, “Umaga na kabayan, gising na at tayo’y lalarga na!

Theeeeee EEnnnnddddddd …. Sarap matulog (Hikab)

“Baby you're all that I want
When you're lyin' here in my arms
I'm findin' it hard to believe
We're in heaven
And love is all that I need
And I found it there in your heart
It isn't too hard to see
We're in heaven…"


Anak ng… ano na naman ito?
Tunog ng alarm ng cellphone ni Bimbie ‘yan… nakitulog na naman sa Villa namin ang lokaretang bakla na ito…. Oh hah… taray di ba?

The End…. 

Visit GMANetwork  Website to view my feature Blog...

---------------------------------

Itong post na ito ang napiling kong isali sa pakontest... sa kadahilanang paboritong paborito ko ito... pagkat bukod sa naiblog ko ito eh una ko itong na publish sa aming Magicians Forum at saka sa GMA Network Website.... at higit sa lahat... ginawan ko rin ng ito ng video blog... ito ang link niya..

http://www.musingan.com/2011/03/gising-isang-umaga-sa-riyadh-video-blog.html


Opisyal na lahok sa REPOST PAKONTEST ni GILLBOARD.... 










Saturday, October 15, 2011

Laro (Saranggola Blog Awards)


Dito sa Saudi habang pinagmamasdan ko ang mga batang Arabo na naglalaro, di ko maiwasan ang hindi mapangiti, naaalala ko kasi ang aking kabataan, naging makulay ito at punong-puno ng saya, hinyaan kasi ako ng aking mga magulang na maging bata, naranasan ko kung paano maging bata, naaalala ko pa ng minsan kakatapos ko lang paliguan eh hayon at nasa bakuran na ako nakikipag habulan habang kumakanta ng “Pen Pen De Sarapen de Kutsilyo De Almasen, haw haw De Carabao Batuten” tapos tawanan kami ng mga kalaro ko, ang saya, wala ng sasaya pa.

Ito ay isang blog entry na ginawa ko para sa Saranggola Blog Awards, sana ay magustuhan niyong lahat, isang blog entry na pinilit kong buuhin para makalikha ng isang video na siyang magbibigay sa atin ng saya.





Laro


Halika maglaro tayo
Hayaan na muna ang problema
Pasasaan bat lilipas rin yan
Tulad ng araw na sumisikat sa umaga
Ito’y lumulubog pagsapit ng hapon
Ang ating lakas
Nanghihina
Mula sa pagiging bata
Tayo’y tumatanda
Ganyan talaga
Wala na tayong magagawa

Sa buhay natin
Kailangan rin nating magsaya
Maglibang
Kalimutan muna ang problema
Kalimutan muna ang lahat
Di nga bat kay sarap maging bata muli
Wala kang pinoproblema
Walang iniisip
Walang bumabagabag

Napakainosente pa ng bata para intindihin
Ang mga bagay-bagay sa mundo
Walang kamuwang-muwang
Munting anghel
May gatas pa sa labi
Bata batuta ika nga
Ang kulit
Ang Likot
Ang gulo
Pero napakasarap pagmasdan
  
Madalas nating sabihin
“Kung maibabalik ko lang ang kahapon”,
“Kung maibabalik ko lang ang nakaraan”
 “Kung magiging bata lang ako muli”
Pero ang hindi natin naisip
araw-araw eh binibigyan tayo ng pagkakataon
Para balikan ang ating kabataan
Ang nakaraan
Ito ay sa puso, sa isip at gawa
hindi man ito litiral
pero maari parin nating subukan ang maglaro at maglibang

Bakit nga ba gusto nating maging bata muli?
Bakit nga ba gusto nating balikan ang nakaraan?
Bakit ba kailangang maranasan natin ito muli?
Dahil ba sa marami tayong natutunan dito?
Dahil ba sa marami tayong mga pagkakamaling nais nating iwasto?
O baka
Ito ay dahil lamang sa namimiss natin kung paano maging bata muli.

Sa paglalaro
Hindi mo naman kailangan maging bata para sumaya
Napakaraming laro at laruan na pangmatanda
Yun bang tinatawag na “for adults only”
Nandyan ang Car Racing
Nandyan din ang Wakeboarding
O kaya Wall Climbing
Nandyan din ang sikat na sikat na
Airsoft Gun Compitition
Marami pa
Ito ang tinatawag na Recreational Sports
Pang matanda lang
Pwede namang laruin ng mga bata
Subalit kailangan ng patnubay ng mga magulang
Nandyan din ang talagang Sports
Tulad ng Basketball
Badminton
Baseball
Tennis
At Maging Chess ito rin ay isang sport
At pwede karing makipaglaro ng Dama
Kasama ng mahal mo sa buhay

Pwedeng-pwede tayong magsaya
maglibang
Maglaro habang kaharap natin ang ating problema
Yin and Yang nga daw dapat di ba
Yun tipong balanse lang ang lahat
May oras ka para sa trabaho mo
Pamilya mo
Kaibigan mo
At para sa sarili mo,

Kahit ano pwede mong laruin
kahit anong oras
Walang nagbabawal sa iyo
Kahit ano pwede mong gamitin
Tulad ng blog ko

Nilalaro ko lang.

Salamat.

  
Lahok para sa Kategoryang Blog (freestyle) ng Saranggola Blog Awards




D”N



Monday, October 3, 2011

Minsan sa kalsada



Minsan sa kalsada, kahit gusto mong maglakwatsa, Di mo magagawa dahil wala kang pera.



Lahok sa patimpalak ni Bulakbolero



Maraming salamat po.



D"N


Friday, August 12, 2011

Luha: Minsan pa


Gawa ko


Opisyal na kalahok sa patimpalak ni Iya_Khin


Maraming salamat sa pagbabasa.


SALAMAT PO.


D”N



Saturday, June 11, 2011

Salamat sa pakulo.


So it’s finally over, after ten solid days of campaign and voting finally the result was casted, Alhamdulillah, we won the battle.




Hmmmmm!!!!


I wonder! What Domain I would choose…


It must be unique, it must be simple, it must represent who I am, my blog, myself and I alone.


Pasumangil.com?
Musingan.com?
Aldiwallay.com?
Rehsidla.com?
Susulatako.com? (ay kay Iya_Khin pala yun)?



Hmmmm!!! Ano kaya ang magandang domain?



Hanywahy!!!! Thank you so much sa lahat ng mga bomoto sa akin, hinid ko na kayo kilala lahat, pero maraming salamat talaga.

Salamat sa aking Magic group na TSC (The Story Circle).
Sa aking isa pang Magic group YSM (The Young Society of Magicians).
Sa mga kaBlogs ko na bomoto sa akin.
Kay Mommy Raz at Acre.
At sa Tausug Network na alam kong kong siyang nagbigay sa akin ng pinaka malaking puntos mula sa umpisa hanggang sa huling laban. Maraming salamat po talaga sa inyong lahat.


At syempre kay ROY na hanggang ngayon ay hindi ko parin alam kung bakit Abdul-Hakeem.com ang kanyang domain name. maraming salamat sa pacontest mo.. super nagpapasalamat ako sa iyo at sa mga sponsors mo…



Lastly.. salamat and congrats sa ating lahat.





D”N






Thursday, June 9, 2011

KM2: Akda


Tugon sa pakontest ni JKulisap.

Habang nagmumuni-muni ang aking kamalayang malaya sa lawak ng langit, ako’y napadpad sa nayon ng mga kulisap, nabasa ko dito ang isang panawagan para sa isang patimpalak, na inilathala ng isang magaling na manunulat na si JKulisap, isang Adhika na siyang pumukaw sa aking pansin at bumuhay sa aking nangangalumata nang mukha, nang mabasa ko’y agad akong namangha, malalim ang bawat hugot ng aking hininga sapagkat bawat salita na ginamit ay sadyang malatinhaga, payak lang ang mga alintutunin bagamat mapapansin na sa bawat salitang ginamit maaaninag na ito’y pinag-isipang mabuti kung papano mapagtatagpi-tagpi, katulad ng kuyukot na nakalagay sa ating likuran.

Napasandal ako at napa-isip, papaano ako lalahok sa kanyang patimpalak, kung ang kanilang istilo ay malayo sa aking nakasanayan, parang isang manananggal ang aking isip na lumabas sa loob ng isang banal na yungib, Ang pagsusulat ay parang isang pagsigaw ng malakas upang marinig ang bawat alingawngaw na dulot nito, ang manunulat naman ay parang isang bubuyog na lumilikha hindi lamang ng isang pulot-pukyutan kundi isang halinghing na kung papaano ang pagtangap mo at pagkakaintindi ay ganun din ang ganda at saysay nito.

Ang mga maharlika ng bayang sinilangan ay nagdiriwang sa sapagkat ito ay isang patimpalak na para lang sa mga katulad nilang magagaling at maraming alam, uti-unti kong nararamdaman ang isang di kanais-nais na damdamin, pawang hinagpis at panibugho ang nasa puso, hangad ko rin po sanang makilala sa larangan ng pagsusulat at pagiging makata, ngunit sadyang mailap sa akin ang katalinuhan na aking kailangan at muli naisip ko ako nga pala ay isang halimbawa ng lugami na pinipilit hanapan ang sarili ng puwang.

Ngunit ako’y nagpasya, ano nga ba ang mahalaga, ang magtagumpay at mapatuyan na ako’y may alam din, o ang makisalamuha sa mga taong higit na pinagpala at magbakasakaling may makapansin din sa akin, di ko man masyadong kilala ang may-akda ng Jkulisap kailangan kong lumahok upang ang peklat na dulot ng dikya ng takot ay mapalitan na ng luwalhati at kasiyahan.



Maraming salamat po sa inyong pagbabasa.




Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...