Wednesday, January 25, 2012

Totoy Palitaw (Kingpin)


Bang!!!

Tumba agad ang isa sa mga kalaban.

Napatayo ang tatlong kalalakihang tumatambay sa tindahan, nagulat, nagmasid, hinanap kung saan galing ang putok at kung sino ang tinamaan, maya-maya may narinig na silang sigaw “nabaril si Bertong Palaka, nabaril”, nagbulungan ang mga tambay “si Bertong Palaka daw ang nabaril”, hinanap nila ang pinangyarihan ng insidente, sa likod lang pala ito ng tindahan kung saan sila tumatambay, agad nila itong pinuntahan, pagdating nila sa likod ng tindahan, nadatnan nila ang naghihingalong si Bertong Palaka, pilit na bumabangon, pilit na bumubunot ng kanyang baril, pilit na hinahanap ang bumaril sa kanya, ngunit hindi na kaya ng katawan niya.

Bang!!!

Isang putok pa ng baril mula sa kanyang likuran ang kanilang narinig, bumulagta na si Bertong Palaka, “Patay ka na Palaka ka” ani ng bumaril, nakita ng mga tambay kung sino at saan nanggaling ang putok, nakita nila si Totoy Palitaw, ang notorious gang leader ng grupong “Gumamela One”, kitang kita nilang hinipan pa ni Totoy Palitaw ang dulo ng kanyang baril bago ito itinago sa kanyang likuran, isang galit at matalim na titig ang iniwan niya sa mga tambay bago siya umalis, isang titig na nagpapahiwatig at para bagang sinasabing “wala kayong nakita at narinig”, takot ang nangibabaw sa dib-dib ng mga tambay, alam nilang kahit kailan ay hindi nagbibiro si Totoy Palitaw, alam nilang ano mang oras pwede silang resbakan nito kung sinuplong nila ito sa autodidad.

“Totoy Palitaw! Magtago ka na sa pinanggalingan mo”, sigaw ni Conrad, ang pinuno ng Ihaw-Ihaw Gang, “Hindi ka na sisikatan ng araw”, sigaw naman ng kanyang mga kasama, napalingon ang ngayo’y papalayo ng si Totoy Palitaw, nakita niya ang mga kalaban, agad niyang binunot ang kanyang baril sa kanyang likuran saka niya pinaputukan ang mga kalaban, sa bilis ng pangyayari hindi agad nakaporma ang grupo ni Conrad, nagkawatak-watak sila, dahil sa ginawang pamamaril ni Totoy Palitaw sa kanila, nagkawatak-watak rin ang tatlong tambay na kanina lamang ay masayang nagkukwentuhan.

Bang!!! Bang!!! Bang!!!

Tatlong putok ang pinaulan ni Totoy Palitaw kena Conrad sabay sigaw, “Hindi ako natatakot sa inyo” ani ni Totoy Palitaw, “Hindi rin kami natatakot sa iyo”, sigaw naman ni Conrad mula sa lugar ng kanyang pinagtataguan, Bang!!! Bang!!! Bang!!!, tatlong putok rin ang isinukli ni Cobrad kay Totoy Palitaw, buti na lang magaling si Totoy Palitaw, hindi siya tinamaan, agad siyang nakailag, agad na nakapagtago sa sako ng pinagtambak-takbak na semento na nakalagay sa likod bahay nina Manong Tasyo, “Uubusin ko ang lahi niyo Conrad” Bang!!! Bang!!! Bang!!! Tatlong putok rin ang pinaputok ni Totoy Palitaw sa mga kalaban, tinamaan sa dibdib ang isa sa mga kasamahan ni Conrad, bumulagta ito at namimilipit, maraming dugo ang lumabas sa kanyang bunganga, saglit lang, nalagutan na ito ng hininga “huh!” nagulat pa si Corad, kinabahan siya sa nakita, alam niyang asintado si Totoy Palitaw, at alam niyang maaaring maubus sila nito kung di sila magiingat, pero di siya nagpahalata, may dalawa pa siyang kasamahan na tutulong sa kanya para mapuksa si Totoy Palitaw, binigyan niya ng hudyat ang dalawa pa niyang kasama na umikot sa harap ng tindahan at magtungo sa harap ng bahay ni Manong Tasyo at mula doon sabay nilang susugurin si Totoy Palitaw na ngayon ay nagtatago sa tinambak-tambak na sako ng simento na nakalagay sa likod bahay nina Manong Tasyo.

Pero ang hindi nila alam, sadyang magaling itong si Totoy Palitaw, bago pa nila naisagawa ng kanilang plano, isang putok na agad ang kanilang narinig, Bang!!! nakita nila na bumulagta na naman ang isa nilang kasama, ngayon dalawa na lang sila ang poproblemahin ni Totoy Palitaw, alam ni Conrad na hindi mainam na lugar ang pinagtataguan niya, dahil dalawa na sa kasama niya ang napatumba ni Totoy Palitaw, isama mo pa si Bertong Palaka na nauna ng namatay kanina, alam niyang hindi sila makakapagtago ng maayos sa likod ng kalisa ni Tata Urong, kaya sinabihan niya ang kasama niyang si Elyas na lumipat sila sa likod ng banyo nina Nanay Belen, doon sila magtatago, pero talagang wala pa sila sa kalakingkingan ni Totoy Palitaw, dahil bago pa man sila dumating sa likod ng banyo nina Nanay Belen ay naunahan na sila ni Totoy Palitaw, “Saan kayo pupunta?” bungad niya sa dalawang kalaban habang nakatutuk ang kanyang baril sa mga ito, “Huh!!! Papaano ka naka… saan ka dumaan!!!” nagtatakang tanong ni Conrad ng makitang nasa likod na ng banyo si Totoy Palitaw, “Hahahahaha”, natatawang sambit ni Totoy Palitaw “Conrad! hindi ako babansagang Totoy Palitaw kung hindi ako palitaw-litaw kung saan-saan” sagot niya kay Conrad, “palos ka nga, totoy Palitaw, pero hindi ka matinik, hinding-hindi mo ako magagapi” Sagot ni Conrad, “huh!!!! Anong ibig mong sabihin” Tanong ni Totoy Palitaw, “Elyas”, tawag ni Conrad kay Elyas na nasalikuran niya, “Totoy Palitaw!!!” sambit naman ni Elyas sa huli, “Dadanak ang dugo mo sa pagkakataong ito, dahil kapag hindi mo ibinaba ang baril mo, mamamatay ang pinakamamahal mong si Kikay” pananakot ni Elyas kay Totoy Palitaw, “Huh!!! Anong ibig niyong sabihin?” nagtatakang tanong ni Totoy Palitaw sa dalawa.

“Nardong Butiki!!! Ilabas mo na si Kikay!!!” sigaw ni Corad sa isa pa nilang kasama na nagtatago sa loob ng banyo nina Nanay Belen, paglabas ni Nardong Butiki nakita ni Totoy Palitaw ang napakagandang si Kikay na bihag-bihag ni Nardong Butiki, “Totoy Palitaw, bitiwan mo ang baril mo, kung hindi papatayin ko si Kikay”, pagbabanta ni Nardong Butiki kay Totoy Palitaw, “Huwag kang maniwala sa kanya Totoy Palitaw, huwag mong ibaba ang baril mo, hayaan mo na akong mamatay, basta ang importante hindi ka nila mapatay, mahal ko!!!” sigaw ni Kikay kay Totoy Palitaw, “Tumigil ka!!!” pagpipigil ni Corad kay Kikay sa mga pinagsasabi nito, “Totoy, mahal na mahal kita at hindi kita hahayaang mamatay”, sigaw ulit ni Kikay kay Totoy Palitaw, nagalit na ng husto si Conrad kaya nilapitan naniya si Kikay habang hawak-hawak parin ni Nardong Butiki, sinampal niya ito saka sinabihang “Kung hindi ka pa titigil, dalawa kayong paglalamayan mamayang gabi!”, pananakot ni Corad kay Kikay, “Huh!!!! Teka… anong ibig sabihin nito, bakit kasama si Kikay?”, nagtataka paring tanong ni Totoy Palitaw kela Conrad, “Wala naman yan sa usapan kanina ahhhh!”, pagpapatuloy niya, “Anong wala? kasama kaya siya!”, pagdedepensa ni Conrad kay Totoy palitaw, “Wala ahhhh…ang daya niyo... ang usapan natin kanina, kayong lima lang ang magkakasama at ako lang mag-isa” pagrereklamo ni Totoy Palitaw kay Conrad, “hah!!! e sinabi ko kaya sa iyo kanina, sabi ko gusto ni Kikay na sumali sa atin…” sabat naman ni Elyas, “Uu nga sinabi mo pero di naman ako sumang-ayon di ba” sagot ni Totoy Palitaw, “Hindi ba siya sumang-ayon?” tanong ni Elyas sa mga kasama, “Uu, hindi siya sumang-ayon” sagot naman ni Bertong Palaka ng makalapit ito sa kanila kasama ang dalawa pang kasamahan nila na tulad niya ay namatay rin kanina sa sagupaan “tayo-tayo na lang daw at huwag ng isali si Kikay”, pagpapatuloy nitong sagot kay Elyas, “O! kita niyo.... saka yang si Nardong Butiki sino naman daw yan”, tanong ni Totoy Palitaw kay Conrad at mga kasama, “Ahhh!!! Ehehehehe…. Pinsan ko… galing Maynila, nagbabakasyon dito sa atin” sagot naman ni Conrad kay Totoy Palitaw, “Ay gulo niyong kalaro, ulitin na nga lang natin, pero hah… linawin natin, ako lang mag-sa.. oh sige kasama ko na si Kikay ngayon… ulitin na lang natin…”

“Ahhh sus!!! Ewan ko sa inyong mga bata kayo… ang gulo niyong maglaro ng baril-barilan….” Sigaw ng isa sa mga tambay sa tindahan kanina….


Tawanan.


Wasak lang…





2 comments:

  1. hahaha kala ko action talaga yun pala larong bata lang tsk

    ReplyDelete
  2. ahahaha akala ko talaga totoong gulo na...lol..

    edi ikaw na hehe

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...