Tuesday, January 24, 2012

Diana ang Glamorosa



Sa isang mataas na gusali ng isang ekslusibong condominium, naroon si Diana, naka-upo sa sofa daig pa ang isang prinsesa sa pagiging glamorosa, di mapakali sa kakalipat-lipat ng channel ng flat screen TV sa harap niya, nainis dahil wala namang magandang palabas, kumuha ng isang stick ng isang kilalang blue seal cigarette na nakapatong sa lamesitang yari sa steel brush saka ito sinindihan, tumayo at naglakad papunta sa terasa ng unit,  pinagmasdan niya ang paligid ng isang napakatalim na tingin, ilang sadali pa  gumuhit na sa kanyang pisngi ang isang mapanuyang ngiti, naaalala niya ang mga panahong nagdaan.

Naaalala niya ang kanyang mga dating kasama, ang mga kaibigan at kakilala na humamak-hamak sa kanya, inalipusta, tinapakan, binaboy at sinabihan siyang isang mapariwara, puot at galit ang nangangalatay sa kanyang dib-dib, mula ng mamatay ang kanyang ama na nalunod sa pangingisda wala ng ginawa ang kanyang mga kapitbahay kundi ang kutyain silang magkakapatid, pinandirihan lalo na ng sumama ang kanyang ina sa isang lalake sa kabilang barangay at iniwan silang magkakapatid na luhaan, napilitan siyang tumigil sa pag-aaral para makalumuwas ng Maynila upang makipagsapalaran alang-alang sa mga kapatid.

At ngayon, tingnan mo, heto na siya, nakatira sa isang penthouse ng napakataas na gusali, mula dito, tanaw niya ang kalakhang Maynila, sa tutuwing dudungaw siya sa bintana ng terasa nito, hindi niya maiwasan ang hindi mapangiti, alam niyang walang kaalam-alam ang mga taong nang-api sa kanya noon kung nasaan na siya ngayon, “buhay nga naman” sambit niya sa kanyang sarili, sa tuwing naaalala niya ang mga panahong nagdaan, minsan hindi niya maiwasan ang hindi mapaiyak, pero sadyang pinatigas na ng kahapon ang kanyang puso, ginawang bato ang mala-ulap niyang damdamin, maya-maya tumunog ang intercom ng unit “kling-klong”, nilingon niya ito saka tinungo, dinampot ang avaya saka sinagot “yes!”, “ma’am may naghahanap po sa inyo, pinsan niyo raw ho!”, “ahhh sino daw?” “Ang-Ang daw ang pangalan niya”, kilala niya ang tinutukoy nito, hindi lang niya ito pinsan kundi kababata pa niya, halos sabay silang lumaki at nagkaisip, kaya kilalang-kilala niya ito, isa rin ito sa mga taong unang tumalikod sa kanya noong kailangan niya ng kakampi, bakit ito narito ngayon at hinahanap siya, dahil ba sa nakatira na siya ngayon sa isang condominium, dahil ba sa isa na siyang glamorosa? gusto rin bang makatikim ng kaginhawahan ang taong minsan niyang naging mabuting kaibigan? Hah!!! Hindi pa siya nababaliw, alam niyang pera lang ang habol nito, “wala akong kilalang ganyan ang pangalan”, matigas niyang sagot sa kausap, “ahh!!! ma’am ahhh, kasi” tsukk!!!! “Tut-Tut-Tut-Tut”, binaba na niya ang avaya, hindi na hinintay ang susunod pang sasabihin ng kausap na guardiya.

Muli siyang nagtungo sa terasa ng penthouse, mula dito pinagmasdan niya ang guard house, kitang-kita niya ang kanyang bisita, marahan itong naglakad papalayo, palinga-linga at patingin-tingin sa gusali kung saan siya nakatira ngayon, waring naghihintay at baka maalala siya ng taong sinadya sa condominium, isa na namang mapanuyang ngiti ang gumuhit sa kanyang pisngi, isang bagay lang ang nasa kanyang isipan ngayon, PAGHIHIGANTI “alam kong darating ang araw na titingalain niyo rin ako, at hito nga unti-unti ng nangyayari”, tumalikod siya at nagtungo sa kusina, kumuha ng pitcher sa ref na may lamang fresh juice, kumuha ng isang baso saka nagsalin, inilapag ang pitcher malapit sa lababo, dala ang isang baso ng juice naglakad pabalik sa living-room, naupo sa sofa saka nanood muli ng palabas, habang nanonood ng mga soap opera, naglalaro na naman sa isip niya ang mga pinagdaanang sakit at hirap, iniisip rin niya ang biglang pagbisita ng pinsan, alam niyang may kailangan ito kaya ito biglang dumalaw sa kanya, pero papaano siya nito natuntun? Ano ang kailangan niya? Ahhh basta, hindi na importante iyon, basta ang alam niya, kailangan niyang maging matigas, kailangan niyang maging pusong bato, dahil siya’y isa ng glamorosa.

Dahil wala rin namang mapapanood na maganda, sinara na niya ang telebisyon, tumayo at nagtungo sa bathroom, pinagmasdang mabuti ang loob nito, napakaganda, may sarili itong Jacuzzi at may chandelier ring nakasabit sa gitna ng kisame nito, natukso siyang maligo, kaya binuksan niya ang faucet at pinaanod ang tubig mula dito papunta sa Jacuzzi, nagsimulang mapuno ang bathtub, kinuha niya ang bubble soap at binuhasan ng poweder soap ang nanunuksong daloy ng tubig mula sa faucet, saka siya nagtanggal ng kanyang damit at lumusub sa Jacuzzi pagkapatay sa faucet. Mag-isa nagpakasasa sa marangya buhay si Diana, pilit na kinakalimutan ang mga nakalipas na unos sa kanyang buhay, hindi na iniintindi ang bukas dahil alam niyang nakatira na siya sa magarbong tahanan at isa ng glamorosa, kahit ang mga kapatid niya’y minsan ‘nakakalimutan na niya, kung di pa ito tatawag sa kanya e hindi pa niya ito maaalala, nasa kalagitnaan na siya ng pagligo ng biglang may kumatok sa pinto ng banyo, “Diana, naliligo ka na naman, sino ang tumawag sa intercom kanina?”, “hu! Mam!! Ahh wala pu mam, gard lang pu….”, “ahhh ano daw kailangan”, “wala pu mam, na rung lang ng tawag mam”, “ganun ba Dianna, tapos kana ba maglaba, mukhang tumigil na ang ingay ng washing machine”, “ayyy Uu…nalimut naku ang washing machine natu… ehehhehe, sige pu mam, tatapusin na pu ang paglalaba”, “Hay naku ikaw talaga Diana, kung ano ano na namang kalokohan ang ginagawa mo dyan sa loob, maglaba ka na” wika ng may-ari ng Condominium unit na pinapasukan niya bilang katulong, “Glamurusa lang aku mam”, sagot niya sa kanyang amo.


Glamorosa na nga si Diana…



Wasak….






3 comments:

  1. wahaha IMBA sa ending. kulet. hihihi glamorosa pala ah hihihihi

    ReplyDelete
  2. naiinis na pa naman ako kay Diana dahil nagtanim ng galit sa kapwa tapos, tapos, tapos, FUNNY! hahaha

    ReplyDelete
  3. hahaha ang kulit. Habang nagbabasa ako iniisip ko may part 2 to sigurado. Hahaha panalo talaga sa twist

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...