“Putangina Pare!!! Idol na talaga kita”, “O! talaga Idol mo na ako, bakit naman”, “Hanep ka pare kung magpainom…. Sky’s the limit, lupet mo”, iiling-iling si Bryan habang inaangat ang isang alak ng Red Horse Beer saka ito tinungga, “Ibahin mo si kumpare, iba yan, galante yan, di ba, di ba, di ba” sagot naman ng isa nilang kasama sabay tingin sa dalawa pa nilang kainuman, high five ang mga magkakaibigan bilang pagsang-ayon sa sinabi ng huli, “Anong sabi ko sa iyo Bryan kanina?, O! di ba sabi ko, ikaw ang aayaw sa pag-inom, basta si kumpare ang kasama natin” sulsul pa ng isa, “Hahahaha, wala yan pare, basta ako ang bahala, alam niyo naman ako, pagnakipag-inuman, ayaw ko ng nabibitin tayo”, pagbibida niya ng kanyang sarili sa kanyang mga katropa.
Nag-uumpisa pa lang lumalim ang gabi, nag-uumpisa palang tumaas ang mga amats ng lahat, sa isang Resto-Bar, sa Timog, naroon ang mga magkakaibigan, magkakasama silang nagtatrabaho sa isang kumpanya, nagkayayaang mag-inuman, pay-day naman daw at nakabunos pa si kumpare, kaya di na papigil ang iba, lalo na’t may bago silang kaibigan, si Bryan, kaya dapat magpabida daw si Kumpare, dahil inaasahan nito ang blow-out niya, at bilang pagpapakita daw nito na maluwag nilang tinatangap sa kanilang grupo ang bagong kasama.
“Oo nga! Tama nga kayo, sobrang galante ni kumpare, wala akong masabi”, pagsang-ayon niya sa sinabi ng kasama nila, “Alam niyo ang mga bagay na ganito e normal lang naman, dapat kasi paminsan minsan e magsaya rin tayo, di yung puro pagtatrabaho na lang ang inaatupag natin”, bungad pa ni kumpare sa kanyang mga itinuturing na matalik na kaibigan “Sige inum lang kayo” dag-dag pa niya, “Pare tingnan mo ang chicks na yun sa dulo, kanina pa tingin ng tingin sa iyo” bulong ng isa kay Kumpare “Oo nga e, kanina ko pa nga yan napapansin e” sagot naman ni kumapare sa nagsasalita, “Ano, itable mo na, O kung gusto mo para kay Bryan na lang” suhisyon ng kausap, “Ikaw, tanungin mo daw si Bryan!” sagot naman niya.
Hindi makapagsalita si Brayn ng tanungin siya ng kasama, alam niyang kalabisan na ang ginagawang kabutihan ni kumpare sa kanya, nahihiya naman siyang tumanggi, dahil kahit di pa siya nakakatango o ayaw, tinawag na ni kumpare ang waiter at tinanong kung pwedeng mai-table ang babaeng tinutukoy nila kanina, “Pare, huwag mo akong ipahiya a, andon na kinakausap na” sabi ni kumpare kay Bryan, “A, e, pare huwag na lang, ok na ito, inum na lang tayo” pagtutol niya sa kagustuhan ni kumpare, ngunit ilang saglit pa e bumalik na ang waiter na kasama na ang babaeng pinag-uusapan nila, “ayan na pare!!!” ngiting sambit ng isa nilang kasama, “Sobra ka talaga, Idol kana talaga namin, wala ka talagang katulad” pang-gogoyo naman ng isa kay kumapare, “Hahahahaha, ibahin niyo ako pare, sinabi ko na sa inyo, sky’s the limit nga” pagbibida na naman niya sa kanyang sarili.
Mabilis na lumipas ang gabi nagkakasawaan na sa pagtungga, namamaos na ang ilan sa salitang pagkanta sa entablado, naka-ilang order na sila ng bucket ng red horse, nakakailang oder na rin ng pulutan, ang babaeng naitable nila, hindi na mawari kung ilang ladies drink na ang nainom nito, pero hindi naman nalalasing, abot-abot na ang hikbi ng dalawa nilang kasama, ang isa naman ay halos makatulog na, pero si Bryan at kumapare, tuloy ang kwentuhan kahit halata nang lasing pareho.
“Pale, pinaanga mo targa ako, ikaw na, ikaw na targa” pagpupuri ni Bryan kay kumpare habang naka akbay sa dalagang katabi sa table, “Wa-la yan pale, eshka-ish ja limit nga di ba, kaya magpakashaya ka lang at magpakalunod sha alak”, sagot ni kumpare kay Bryan, maya-maya pa’y nagyaya ng umuwi ang mga kasama, pero si kumpare, may pahabol pa, “Paleng Blyan, i-tsek-out mo na yan, akumbahaaa-la” pag-aalok niya kay Bryan, “Nakup pale, huwag nya, wu-la akok pela pammotsel”, pagtanggi niya sa alok ng kaibigan, pero di pa siya nakakatapaos ng pagsalita, may iniabot ng pera si kumapare sa kanya, “Ayan pale, shabit ku namam shay-o, akumba-ha-la” nangingising bida ni kumpare sa kanya, “Nakup pale, huwag nya”, pagtutul niya ulit, pero bago pa man makapagsalita si kumpare, may binulung na ang babaeng katabi niya sa kanya, nangisi siya at napatawa, matapos noon sumang-ayon na siya.
Nagpaalam na si Bryan sa mga kasama magtsetsek-in pa daw sila ng sweetheart niya, nagpaalam narin ang tatlo, naiwan si kumpare mag-isa, tinawag ni Kumapare ang waiter upang hingin ang bill, iniabot ng waiter ang papel na pinagsulatan ng dapat na babayaran, tulala siya sa nakitang babayaran, isang buwang pinag-ipunan niya, sa inuman lang napunta, ok lang, masaya naman ang mga kaibigan niya, ika niya, binayaran niya ang bill, bago umalis, humingi muna ng isang basong tubig tapos umihi, saka lumabas ng resto-bar, nakita niyang wala na doon ang taksing minamaneho ng mga kasama, yung taksi na lang niya ang naiwan, ok lang naman sa kanya, talagang hindi na daw makapaghintay ang mga iyon, lasing e, masarap kasing tumabi sa missis kung ganon.
Marahan siyang nagmaneho pauwi, binaybay ang kahabaan ng Edsa, pagdating ng Cubao, lumiko sa Aurora, sa kalayaan doon siya pumunta, marahang itinabi ang taksing minamaneho, marahan ding lumabas, sinara niya ito, saka marahang pumasok sa gate ng kanilang iuupahang maliit na apartment ng mag-anak niya, nakita niyang gising pa ang kanyang asawa, alam niyang siya ang hinihintay, dahil tatlong buwan na silang di nakakabayad ng bahay, pagbukas niya ng pinto, nangingiti siyang pumasok, tiyak away na ito, kapag wala siyang maiabot na sapat na pera.
Maya-maya pa’y nagising na ang mga anak niya, sa hagulgul ng ina, sinaktan na naman niya ito nang magreklamo sa dalawang daang iniabot niya, “alam mo ikaw, punding-pundi na ako sa iyo a, buong araw akong nagmamaneho ng taksi, konting inuman lang, hindi mo na ako mapagbigyan ha!”, bulyaw niya sa kanyang asawa, “mabuti pa ang mga kaibigan mo, ginagastosan mo, pero kami ng mga anak mo, hindi”.
Wasak.