Batibot (My Version)
Ni. AL Diwallay
Naka Helmet, may damit na parang pang Ghost Buster malimit ay kulay pula o dilaw, may dalang hose, sila ang pumapatay ng apoy kapag may malaking sunog, sino sila?
Kanta;
Ako’y kilala niyo, ako’y kilala niyo, ako’y isa sa kapit bahay, kapit bahay ninyo.
Kuya Bojie: “Tama, sila ay isang bumbero, sila ang mga taong tumutulong sa atin para patayin ang sunog”
Marahil, kapag ipinanganak ka noong 80’s at 90’s, alam kong naaalala niyo pa ang kantang ito, wala marahil sa mga Pilipino ang hindi nakakatanda sa kantang ito, ito’y isa sa mga kanta na pinasikat ng Batibot, isang palabas sa Pilipinas noon na sumikat noong 1980’s.
Hinding-hindi ko makakalimutan ang kabataan ko at kapag ikinukwento ko ito sa mga tao, hinding-hindi ko pwedeng laktawan ang parte ng Buhay ko na kung saan ay nakaupo ako sa sahig at nakatingala sa telebisyon namin na nakalagay sa taas ng maliit na cabinet at nagaabang sa isa sa pinaka paborito kong palabas noon ang Batibot.
“Pagmulat ng mata,
Langit nakatawa
Sa batibot,
Sa batibot
Langit nakatawa
Sa batibot,
Sa batibot
Tayo nang magpunta
Tuklasin sa batibot
Ang tuwa, ang saya
Doon sa batibot
Tayo na, tayo na
Mga bata sa batibot
Maliksi, masigla. (2x)
Dali, sundan natin
Ang ngiti ng araw
Doon sa batibot (2x)
Tayo nang magpunta
Tuklasin sa batibot
Ang tuwa, ang saya
Doon sa batibot
Tayo na, tayo na
Mga bata sa batibot
Maliksi, masigla. (2x)
Ayan na papalabas na… mga Puppets at ang mga masasayang batang Batibot na naglalaro sa playground na may isang malaking puno sa gitna, may mga taga kwento at taga payo, mga extra at mga regular na kasama, hango ito sa American Show na Sesame Street, at una itong pinamagantang Sesame at pinalitan ng Batibot kalaunan, ang Batibot ay nangangahulugang maliit pero malakas, Uu nga, tama nga naman, dahil sa pagkakantanda ko, kung ikukumpara mo sa ibang Sikat na Children Show, ang Batibot ay nagmimistulang isang maliit na bato at ito ay nakalatay sa paanan ng isang malaking bundok, pero huwag ka, dahil, ang Batibot parin ang pinaka sikat at pinaka paboritong palabas ng mga bata noon, at alam ko na hinahanap-hanap parin ng mga tao ang programang ito, at isa itong patunay na talagang malakas ang hatak nito, maliit nga pero malakas.
Sa Batibot lahat maliksi, lahat masigla, simple lang ang konsepto ng programa ang magbigay ng aral sa mga batang manonood habang nagbibigay naman ng aliw sa kanila, marahil para sa akin, walang tatalo sa Batibot, isa itong institusyon, isa itong alamat, hindi kumpleto ang Philippine Broadcasting History kapag hindi mo binangit ang Batibot, dahil isa ito sa nagbigay pugay sa Pilipinas, naghakot ng sangkatutak na parangal, at higit sa lahat nagbigay ng mga magagandang aral sa mga kabataan noon at isa rin ito sa longest running TV show sa bansa, mahigit labin walong taon ito pinalabas sa telebisyon kaya nga hindi mo ito pwedeng burahin sa isipan ng mga nakakarami.
Sinu ba sa satin ang makakalimot kay Pong Pagong isang malamyang pagong na kulay pink at may suot na kalo sa ulo, malaking mata at humahabang leeg, pero kahit ganoon siya, nakakatuwa naman, dahil mausisa siya at malambing, ewan ko lang kong may nakakalam nito at kung meron man, marahil konti lang, alam niyo bang may secret identity si Pong Pagong? Opo, may secret identity siya na ibubuko ko ngayon, alam niyo bang nagiging superhero siya, ewan ko lang basta napanood ko yun, nagiging superhero si Pong Pagong at kung hindi ako nagkakamali sa pagkakantanda ko ang pangalan niya bilang superhero ay Super Pong, pero hindi ako sigurado doon, nakalimutan ko na kase, basta yun ang natatandaan ko, mga dalawa o tatlong beses ata siyang lumabas na nag transform siya sa pagiging superhero.
Eh si Kiko Matsing, “AHHTTEEHH SIIEENNNAAAHHH Matigas na ang saging ko” kahit sino pa sa atin, basta naabutan ang Batibot ay hinding hindi makakalimutan si Kiko Matsing, isang Matsing na makulit at may tindahan sa Batibot, kakulitan ni Pong Pagong at napaka ingay, hango ito sa character ni Oscar sa Sesame Street.
Si Kuya Bojie ang orihinal na Kuya ng bayan at si Ate Siena naman ang Ate ng bayan, silang dalawa ang orihinal na taga kwento sa Batibot at taga Payo, aminin mo man o hindi alam ko na marami kang napulot na mga magagandang aral sa kanila, mga simpleng payo at simpleng kwento na sadya namang nakakaaliw, talagang maglalakbay ang iyong diwa sa kanilang mga kwento.
Tanong;
Alin ang naiba, may apat na bagay na nakapatong sa ibabaw ng lamesa, ang tatlo ay magkakapareho liban sa isa,
“Alin! Alin! Alin ang naiba, isipin kung alin ang naiba, isipin mabuti, isipin kung alin, isipin kung alin ang naiba”
Si Ate Isay kumakanta na naman ng Alin ang naiba, ito ang madalas na kinakanta nila para tukuyin kung alin ang naiiba sa mga bagay-bagay, isa ito sa mga original na kanta ng Batibot tulad lang din
“O kay dami-raming nagagawa ng o binti ko, o biti ko, o biti ko
Pang padyak, pak pak pak
Pang dikwtaro
Panglakad
Pangsipa
O kay dami-raming nagagawa ng o binti ko, o biti ko, o biti ko
O BINTI KO”
Hindi na ako sigurado sa lyrics niyan pero kahit papano naaalala ko parin.
Marami pang mga tauhan ang kasama sa Batibot, tulad nina, Ate Ning-Ning at Ate Ging-Ging, Kapitan Basa, Sitsiritsit at Alibambang, pero para sa akin wala nang tatalo pa kay Manang Bola, ang manghuhula ng Batibot, lahat ng sagot ay makikita niya sa kanyang bolang kristal na kanyang tinatawag na Perlas na Bilog, “Perlas na Bilog huwag tutulog-tulog, sabahin agad sa akin ang sagot, Ba Be Bi Bo Bu” …
Nakakatuwang isipin na paglipas ng panahon ay Batibot parin ang isa sa hinahanap-hanap kong palabas, marahil namimiss ko lang ang aking kabataan, marahil namimiss ko lang ang panahong nagdaan, naisipan ko lang isulat ito ng minsang mabalitaan ko na muli daw magbabalik ang Batibot sa TV5, hindi ko inaasahan yun at hindi ko rin inaakalang muli pa silang magbabalik para magbigay ng kasiyahan sa mga bata sa panahon natin ngayon at alam ko, katulad ko at katulad mo, marami rin ang nasasabik na mapanood muli sina Kiko Matsing at Pong Pagong at ang masasayang mga bata sa Batibot, ngayon muli silang nagbabalik at sana tulad ko at katulad mo, ang mga bata ngayon sanay lumaki bilang batang Batibot, maliksi, masigla.
Wakas….
Posted: 28 November 2010 at 6:29pm @ thestorycircle.blogspot.com
-----------------------------------------------------------
”
0 According to them:
Post a Comment